Kabanata 9
1 Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pakinig ng malakas na tinig, na nagsasabi, Magsilapit yaong mga may katungkulan sa bayan, na bawa't isa'y may kaniyang pangpatay na almas sa kaniyang kamay.
2 At narito, anim na lalake ay nagsipanggaling sa daan ng mataas na pintuang-daan, na nalalagay sa dako ng hilagaan, na bawa't isa'y may kaniyang pangpatay na almas sa kaniyang kamay; at isang lalake ay nasa gitna nila na nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran. At sila'y nagsipasok, at nagsitayo sa siping ng tansong dambana.
3 At ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay umilanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan, hanggang sa pintuan ng bahay: at kaniyang tinawag ang lalaking nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran.
4 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Pumaroon ka sa gitna ng bayan, sa gitna ng Jerusalem, at maglagay ka ng mga tanda sa mga noo ng mga taong nangagbubuntong-hininga at nagsidaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa sa gitna niyaon.
5 At sa mga iba ay sinabi niya sa aking pakinig, Magsiparoon kayo sa bayan na magsisunod sa kaniya, at manakit kayo: huwag magpatawad ang inyong mata, o kayo man ay mahabag;
6 Lipulin ninyong lubos ang matanda, ang binata at ang dalaga, at ang mga bata at ang mga babae; nguni't huwag lumapit sa sinomang lalake na tinandaan; at inyong pasimulan sa aking santuario. Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa mga matandang lalake na nangasa harap ng bahay.
7 At sinabi niya sa kanila, Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga looban: magsilabas kayo. At sila'y nagsilabas, at nanakit sa bayan.
8 At nangyari, habang sila'y nananakit, at ako'y naiwan, na ako'y nasubasob, at sumigaw ako, at aking sinabi, Ah Panginoong Dios! iyo bagang lilipulin ang buong nalabi sa Israel, sa iyong pagbubugso ng iyong kapusukan sa Jerusalem?
9 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel at ni Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay puno ng dugo, at ang bayan ay puno ng kasuwailan: sapagka't kanilang sinasabi, Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon.
10 At tungkol sa akin naman, ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako, kundi aking ipadadanas ang kanilang lakad sa kanilang ulo.
11 At, narito, ang lalaking nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran, nagbalita ng bagay; na sinabi, Aking ginawa na gaya ng iniutos mo sa akin.