Kabanata 47
1 At ibinalik niya ako sa pintuan ng bahay; at, narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka't ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.
2 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo'y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.
3 Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may pising panukat sa kaniyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.
4 Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.
5 Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka't ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.
6 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo'y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.
7 Nang ako nga'y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.
8 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.
9 At mangyayari, na bawa't likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka't ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa't may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.
10 At mangyayari, na ang mga mangingisda ay magsisitayo sa tabi niyaon: mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dako na ladlaran ng mga lambat; ang mga isda ng mga yaon ay magiging ayon sa pagkakaisda ng mga yaon, gaya ng isda sa malaking dagat, na totoong marami.
11 Nguni't ang kaniyang mga dakong maburak, at ang mga lumbak niyaon, ay hindi mapapagaling; magiging asinan nga.
12 At sa pangpang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sarisaring punong kahoy na pinakapagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagka't ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuario; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pangpagaling.
13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.
14 At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka't aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.
15 At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad;
16 Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.
17At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.
18At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.
19At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.
20At ang dakong kalunuran ay magiging ang malaking dagat, mula sa hangganang timugan hanggang sa tapat ng pasukan sa Hamath. Ito ang dakong kalunuran.
21Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.
22At mangyayari na inyong hahatiin sa sapalaran na pinakamana sa inyo at sa mga taga ibang lupa na makikipamayan sa gitna ninyo, na magkakaanak sa gitna ninyo; at sila'y magiging sa inyo'y gaya ng ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel; sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.
23At mangyayari, na kung saang lipi nakipamayan ang taga ibang lupa, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Dios.