Kabanata 12
1 Ang salita rin ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, ikaw ay tumatahan sa gitna ng mapanghimagsik na sangbahayan, na may mga mata na maititingin, at hindi nagsisitingin, na may mga pakinig na maipakikinig, at hindi nangakikinig; sapagka't sila'y isang mapanghimagsik na sangbahayan.
3 Kaya't ikaw na anak ng tao, maghanda ka ng daladalahan sa paglipat, at ikaw ay lumipat sa araw sa kanilang paningin; at ikaw ay lumipat mula sa iyong dako hanggang sa ibang dako sa kanilang paningin: baka sakaling sila'y magbulay, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan.
4 At iyong ilalabas ang iyong daladalahan sa araw sa kanilang paningin, na parang daladalahan sa paglipat; at ikaw ay lalabas sa hapon sa kanilang paningin, na gaya ng kung ang mga tao ay nangapasasa pagkatapon.
5 Bumutas ka sa pader sa kanilang paningin, at iyong ilabas doon.
6 Sa kanilang paningin ay iyong papasanin sa iyong balikat, at ilalabas sa pagdilim; iyong tatakpan ang iyong mukha, upang huwag mong makita ang lupa: sapagka't inilagay kita na pinakatanda sa sangbahayan ni Israel.
7 At aking ginawang gayon na gaya ng iniutos sa akin: aking inilabas ang aking daladalahan sa araw, na gaya ng daladalahan sa paglipat, at sa hapon ay bumutas ako ng aking kamay sa pader; aking inilabas sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat sa kanilang paningin.
8 At nang kinaumagahan ay dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na nagsasabi,
9 Anak ng tao, hindi baga ang sangbahayan ni Israel na mapanghimagsik na sangbahayan, ay nagsabi sa iyo, Anong ginagawa mo?
10 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang hulang ito ay tungkol sa prinsipe sa Jerusalem, at sa buong sangbahayan ni Israel na kinalalakipan nila.
11 Sabihin mo, Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila: sila'y mapapasa pagkatapon, sa pagkabihag.
12 At ang prinsipe na nasa gitna nila ay magpapasan sa kaniyang balikat sa pagdilim, at lalabas: sila'y magsisibutas sa pader upang ilabas doon: siya'y magtatakip ng kaniyang mukha, sapagka't hindi niya makikita ang lupa ng kaniyang mga mata.
13 Ang akin namang panilo ay aking ilaladlad sa kaniya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; at aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayon ma'y hindi niya makikita, bagaman siya'y mamamatay roon.
14 At aking pangangalatin sa bawa't dako ang lahat na nangasa palibot niya na nagsisitulong sa kaniya, at ang lahat niyang mga pulutong; at aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.
15 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka sila'y aking pinanabog sa gitna ng mga bansa, at aking pinangalat sa mga lupain.
16 Nguni't magiiwan ako ng kaunting lalake sa kanila, na maiiwan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, upang kanilang maipahayag ang lahat na kanilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
17Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
18Anak ng tao, kanin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot;
19At sabihin mo sa bayan ng lupain, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios tungkol sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa lupain ng Israel. Sila'y magsisikain ng kanilang tinapay na may pagkatakot, at nanglulupaypay na iinom ng tubig, upang ang kaniyang lupain ay masira na mawawalan ng lahat na nandoon, dahil sa pangdadahas nilang lahat na nagsisitahan doon.
20At ang mga bayan na tinatahanan ay mawawasak, at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
21At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
22Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na sinasambit ninyo sa lupain ng Israel, na sinasabi, Ang mga kaarawan ay tumatagal, at ang bawa't pangitain ay nabubulaanan?
23Saysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking papaglilikatin ang kawikaang ito, at hindi na sasambitin pang parang kawikaan sa Israel; kundi sabihin mo nga sa kanila, Ang mga kaarawan ay malapit na, at ang pagtupad ng lahat na pangitain.
24Sapagka't hindi na magkakaroon pa ng walang kabuluhang pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sangbahayan ni Israel.
25Sapagka't ako ang Panginoon: ako'y magsasalita, at ang salita na aking sasalitain ay matutupad: hindi na magluluwat pa: sapagka't sa inyong mga kaarawan, Oh mapanghimagsik na sangbahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Dios.
26Muling ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
27Anak ng tao, narito, silang nasa sangbahayan ni Israel ay nagsasabi, Ang pangitain na kaniyang nakikita ay sa malaong mga araw na darating, at nanghuhula ng mga panahong malayo.
28Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Wala nang magluluwat pa sa aking mga salita, kundi ang salita na aking sasalitain ay matutupad, sabi ng Panginoon.