Kabanata 43
1 Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, sa makatuwid baga'y sa pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan.
2 At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nanggagaling sa dakong silanganan: at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig; at ang lupa ay nagningning sa kaniyang kaluwalhatian.
3 At ayon sa anyo ng pangitain na aking nakita, ayon sa pangitain na nakita ko nang ako'y pumaroon upang gibain ang bayan; at ang mga pangitain ay gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng ilog Chebar: at ako'y nasubasob.
4 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan.
5 At itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa lalong loob na looban; at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
6 At aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay; at isang lalake ay tumayo sa siping ko.
7 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ito ang dako ng aking luklukan, at dako ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailan man. At hindi na lalapastanganin pa ng sangbahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagpapatutot, at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari sa kanilang mga mataas na dako;
8 Sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang haligi ng pintuan sa tabi ng aking haligi ng pintuan, at wala kundi pader sa pagitan ko at nila; at kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa: kaya't aking pinugnaw sila sa aking galit.
9 Iwan nga nila ang kanilang pagpapatutot, at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailan man.
10 Ikaw, anak ng tao, ituro mo ang bahay sa sangbahayan ni Israel, upang sila'y mangapahiya sa kanilang mga kasamaan; at sukatin nila ang anyo.
11 At kung sila'y mangapahiya sa lahat nilang ginawa, ipakilala mo sa kanila ang anyo ng bahay, at ang pagka-anyo niyaon, at ang mga labasan niyaon, at ang mga pasukan niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at lahat ng kautusan niyaon; at iyong isulat yaon sa kanilang paningin; upang kanilang maingatan ang buong anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at kanilang isagawa.
12 Ito ang kautusan tungkol sa bahay; ang taluktok ng bundok sa buong hangganan niyaon sa palibot ay magiging kabanalbanalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.
13 At ito ang mga sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko na pinakasukat ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyaon sa palibot ay isang dangkal; at ito ang magiging patungan ng dambana.
14 At mula sa patungan sa lupa sa lalong mababang grado ay malalagay na dalawang siko, at ang luwang ay isang siko; at mula sa lalong mababang grado hanggang sa lalong mataas na grado ay malalagay na apat na siko, at ang luwang ay isang siko.
15 At ang lalong mataas na dambana ay magiging apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay magkakaroon ng apat na sungay.
16 At ang apuyan ng dambana ay magkakaroon ng labing dalawang siko ang haba at labing dalawa ang luwang, parisukat sa apat na tagiliran niyaon.
17At ang patungan niyaon ay magkakaroon ng labing apat na siko ang haba at labing apat na siko ang luwang sa apat na tagiliran niyaon; at ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko; at ang patungan niyaon ay magiging isang siko sa palibot; at ang mga baytang niyaon ay paharap sa dakong silanganan.
18At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang mga alituntunin tungkol sa dambana sa kaarawan na kanilang gagawin, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na susunugin, at upang pagwisikan ng dugo.
19Iyong ibibigay sa mga saserdote na mga Levita na sa angkan ni Sadoc na malapit sa akin, upang magsipangasiwa sa akin, sabi ng Panginoong Dios, ang isang guyang baka na pinakahandog dahil sa kasalanan.
20At kukuha ka ng dugo niyaon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyaon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin yaon at tutubusin ito.
21Iyo rin namang kukunin ang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at susunugin mo sa takdang dako ng bahay, sa labas ng santuario.
22At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalake na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan; at kanilang lilinisin ang dambana gaya ng kanilang pagkalilis sa pamamagitan ng guyang toro.
23Pagka ikaw ay nakatapos ng paglilinis, maghahandog ka ng isang guyang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan.
24At iyong ilalapit ang mga yaon sa harap ng Panginoon, at hahagisan ng asin ang mga yaon ng mga saserdote, at kanilang ihahandog na pinakahandog na susunugin sa Panginoon.
25Pitong araw na maghahanda ka sa bawa't araw ng isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan: maghahanda rin sila ng guyang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan.
26Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon nila itatalaga.
27At pagka kanilang naganap ang mga kaarawan, mangyayari na sa ikawalong araw, at sa haharapin, maghahandog ang mga saserdote ng inyong mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Dios.