Kabanata 7
1 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa lupain ng Israel, May wakas: ang wakas ay dumating sa apat na sulok ng lupain.
3 Ngayon ang wakas ay sumasaiyo at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan ka ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
4 At hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita; kundi aking parurusahan ang iyong mga lakad, at ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa ay malilitaw; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang kasamaan, ang tanging kasamaan; narito, dumarating.
6 Ang wakas ay dumating, ang wakas ay dumating; ito'y gumigising laban sa iyo; narito, dumarating.
7 Ang parusa sa iyo ay dumarating, Oh mananahan sa lupain: ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay malapit na, kaarawan ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may hiyawan, sa ibabaw ng mga bundok.
8 Bigla ko ngang ibubugso sa iyo ang aking kapusukan, at aking gaganapin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
9 At ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: padadatnin ko sa iyo ang ayon sa iyong mga lakad; at ang iyong mga kasuklamsuklam ay dadanasin mo; at inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.
10 Narito, ang kaarawan, narito, dumarating; ang hatol sa iyo ay ipinasiya; ang tungkod ay namulaklak, ang kapalaluan ay namuko.
11 Pangdadahas ay bumangon na naging pamalo ng kasamaan; walang malalabi sa kanila, o sa kanilang karamihan man, o sa kanilang kayamanan man: at hindi magkakaroon ng kahit karangalan sa kanila.
12 Ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay nalalapit: huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang manininda: sapagka't ang poot ay nasa lahat ng karamihan niyaon.
13 Sapagka't hindi na pagbabalikan ng manininda ang ipinagbili, bagaman sila'y buhay pa: sapagka't ang pangitain ay tungkol sa buong karamihan niyaon, walang babalik; at sinoman ay hindi magpapakalakas pa sa kasamaan ng kaniyang buhay.
14 Nagsihihip sila ng pakakak, at nagsihanda; nguni't walang naparoroon sa pagbabaka; sapagka't ang aking poot ay nasa buong karamihan niyaon.
15 Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya.
16 Nguni't silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan, at mangapapasa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis, silang lahat ay nagsisitangis, bawa't isa'y dahil sa kaniyang kasamaan.
17Lahat ng kamay ay manghihina, at lahat ng tuhod ay manglalata na gaya ng tubig.
18Sila'y mangagbibigkis din naman ng kayong magaspang, at pangingilabot ay sasa kanila; at kahihiyan ay sasa lahat ng mukha, at pagkakalbo sa lahat nilang ulo.
19Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay; ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng poot ng Panginoon: hindi nila maaaliw ang kanilang mga kaluluwa, o mabubusog man ang kanilang mga tiyan; sapagka't naging katitisuran ng kanilang kasamaan.
20Tungkol sa ganda ng kaniyang gayak, inilagay niya sa kamahalan; nguni't kanilang ginawang mga larawan ang kanilang mga kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay: kaya't ginawa ko sa kanila na parang maruming bagay.
21At aking ibibigay sa mga kamay ng mga taga ibang lupa na pinakahuli, at sa mga masama sa lupa na pinakasamsam; at kanilang lalapastanganin.
22Ang aking mukha ay aking itatalikod naman sa kanila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako: at mga magnanakaw ay magsisipasok doon, at lalapastangan.
23Gumawa ka ng tanikala; sapagka't ang lupain ay puno ng mga sala sa pagbububo ng dugo, at ang bayan ay puno ng pangdadahas.
24Kaya't aking dadalhin ang mga pinakamasama ng mga bansa, at aariin nila ang kanilang mga bahay: akin namang patitigilin ang kapalaluan ng malakas, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.
25Kagibaan ay dumarating; at sila'y magsisihanap ng kapayapaan, at wala doon.
26Kapanglawan at kapanglawan ay darating, at balita at balita ay darating; at sila'y magsisihanap ng pangitain ng propeta; nguni't ang kautusa'y mawawala sa saserdote, at ang payo'y mawawala sa mga matanda.
27Ang hari ay tatangis, at ang prinsipe ay mananamit ng kapahamakan, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay mababagbag: aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kaugalian ay hahatulan ko sila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.