Kabanata 37
1 Ang kamay ng Panginoon ay sumasa akin, at kaniyang dinala ako sa Espiritu ng Panginoon, at inilagay niya ako sa gitna ng libis; at yao'y puno ng mga buto.
2 At pinaraan niya ako sa tabi ng mga yaon sa palibot: at, narito, may totoong marami sa luwal na libis; at, narito, mga totoong tuyo.
3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, maaari bagang mabuhay ang mga butong ito? At ako'y sumagot, Oh Panginoong Dios; ikaw ang nakakaalam.
4 Muling sinabi niya sa akin, Manghula ka sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, Oh kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga butong ito: Narito, aking papapasukin ang hinga sa inyo, at kayo'y mangabubuhay.
6 At lalagyan ko kayo ng mga litid, at babalutin ko kayo ng laman, at tatakpan ko kayo ng balat, at lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mangabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
7 Sa gayo'y nanghula ako ng gaya ng iniutos sa akin: at habang ako'y nanghuhula, may naghinugong, at, narito, isang lindol; at ang mga buto ay nangagkalapit, buto sa kaniyang buto.
8 At ako'y tumingin, at, narito, may mga litid sa mga yaon, at laman ay lumitaw sa mga yaon at ang balat ay tumakip sa mga yaon sa ibabaw; nguni't walang hininga sa kanila.
9 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Manghula ka sa hangin, manghula ka, anak ng tao, at sabihin mo sa hangin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manggaling ka sa apat na hangin, Oh hinga, at humihip ka sa mga patay na ito, upang sila'y mangabuhay.
10 Sa gayo'y nanghula ako ng gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nangabuhay, at nagsitayo ng kanilang mga paa, isang totoong malaking pulutong.
11 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sangbahayan ni Israel: narito, kanilang sinasabi, Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pagasa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.
12 Kaya't manghula ka, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko; at aking dadalhin kayo sa lupain ng Israel.
13 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binuksan ang inyong libingan, at aking pinasampa kayo na mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko.
14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:
16 At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod, at sulatan mo sa ibabaw, Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kaniyang mga kasama: saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: Sa Jose, na siyang tungkod ng Ephraim, at sa buong sangbahayan ni Israel na kaniyang mga kasama:
17At iyong papagugnayugnayin sa ganang iyo na maging isang tungkod, upang maging isa sa iyong kamay.
18At pagka ang mga anak ng iyong bayan ay mangagsasalita sa iyo, na mangagsasabi, Hindi mo baga ipakikilala sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?
19Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang tungkod ng Jose, na nasa kamay ng Ephraim, at ang mga lipi ng Israel na kaniyang mga kasama: at akin silang isasama roon, sa tungkod ng Juda, at gagawin ko silang isang tungkod, at sila'y magiging isa sa aking kamay.
20At ang tungkod na iyong sinusulatan ay hahawakan mo sa harap ng kanilang mga mata.
21At sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa gitna ng mga bansa, na kanilang pinaroonan, at pipisanin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain:
22At gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang magiging hari sa kanilang lahat; at hindi na sila magiging dalawang bansa, o mahahati pa man sila sa dalawang kaharian;
23At hindi na naman mapapahamak pa sila ng dahil sa kanilang mga diosdiosan, o sa kanila mang mga kasuklamsuklam na bagay, o sa anoman sa kanilang mga pagsalangsang; kundi aking ililigtas sila mula sa lahat nilang tahanang dako, na kanilang pinagkasalanan, at lilinisin ko sila: sa gayo'y magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Dios.
24At ang aking lingkod na si David ay magiging hari sa kanila; at silang lahat ay magkakaroon ng isang pastor; magsisilakad din naman sila ng ayon sa aking mga kahatulan, at susundin ang aking mga palatuntunan, at isasagawa.
25At sila'y magsisitahan sa lupain na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod, na tinahanan ng inyong mga magulang; at sila'y magsisitahan doon, sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, magpakailan man: at si David na aking lingkod ay magiging kanilang prinsipe magpakailan man.
26Bukod dito'y makikipagtipan ako ng tipan ng kapayapaan sa kanila; magiging tipan na walang hanggan sa kanila; at aking ilalagay sila, at pararamihin sila at itatatag ko ang aking santuario sa gitna nila magpakailan man.
27Ang aking tabernakulo naman ay mapapasa gitna nila; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan.
28At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, pagka ang aking santuario ay mapapasa gitna nila magpakailan man.