Kabanata 18

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,
2 Anong ibig ninyong sabihin na inyong sinasambit ang kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, Kinain ng mga magulang ang mga maasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nagsisipangilo?
3 Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi na ninyo sasambitin pa ang kawikaang ito sa Israel.
4 Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
5 Nguni't kung ang isang tao ay maging ganap, at gumawa ng tapat at matuwid,
6 At hindi kumain sa mga bundok, o itinaas man ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel, o nadumhan man ang asawa ng kaniyang kapuwa, o lumapit man sa isang babae na may kapanahunan:
7 At hindi pumighati sa kanino man, kundi nagsauli ng sangla sa mangungutang sa kaniya, hindi sumamsam ng anoman sa pamamagitan ng pangdadahas nagbigay ng kaniyang tinapay sa gutom, at nagbalot ng kasuutan sa hubad;
8 Siya na hindi nagbigay na may patubo, o kumuha man ng anomang pakinabang, na iniurong ang kaniyang kamay sa kasamaan, gumawa ng tunay na kahatulan sa tao't tao,
9 Lumakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at nagingat ng aking mga kahatulan upang gawing may katotohanan; siya'y ganap, siya'y walang pagsalang mabubuhay, sabi ng Panginoong Dios.
10 Kung siya'y magkaanak ng isang lalake na tulisan, mangbububo ng dugo, at gumagawa ng alin man sa mga ganitong bagay,
11 At hindi gumagawa ng alin man sa mga katungkulang yaon, kundi kumain nga sa mga bundok, at nadumhan ang asawa ng kaniyang kapuwa,
12 Pumighati ng dukha at mapagkailangan, sumamsam sa pamamagitan ng pangdadahas, hindi nagsauli ng sangla, at itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan, gumawa ng kasuklamsuklam.
13 Nagbigay na may patubo, at tumanggap ng pakinabang; mabubuhay nga baga siya? siya'y hindi mabubuhay: kaniyang ginawa ang lahat na kasuklamsuklam na ito: siya'y walang pagsalang mamamatay; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya.
14 Ngayon, narito, kung siya'y magkaanak ng isang lalake, na nakikita ang lahat na kasalanan ng kaniyang ama na ginawa, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;
15 Na hindi kumain sa mga bundok, o itinaas man ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel; hindi nadumhan ang asawa ng kaniyang kapuwa,
16 O pumighati man sa kanino man, hindi tumanggap ng anomang sangla, o sumamsam man sa pamamagitan ng pangdadahas, kundi nagbigay ng kaniyang tinapay sa gutom, at nagbalot ng kasuutan sa hubad;
17Na iniurong ang kaniyang kamay sa dukha, na hindi tumanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginawa ang aking mga kahatulan, lumakad sa aking mga palatuntunan, hindi siya mamamatay, ng dahil sa kasamaan ng kaniyang ama, siya'y walang pagsalang mabubuhay.
18Tungkol sa kaniyang ama, sapagka't siya'y pumighating may kabagsikan, sumamsam sa kaniyang kapatid sa pamamagitan ng pangdadahas, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kaniyang bayan, narito siya'y mamamatay sa kaniyang kasamaan.
19Gayon ma'y sinasabi ninyo, Bakit hindi dinadala ng anak ang kasamaan ng ama? Pagka ginawa ng anak ang tapat at matuwid, at nag-ingat ng lahat na aking palatuntunan, at isinagawa, siya'y walang pagsalang mabubuhay.
20Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay: ang anak ay hindi magdadanas ng kasamaan ng ama, o magdadanas man ang ama ng kasamaan ng anak; ang katuwiran ng matuwid ay sasa kaniya, at ang kasamaan ng masama ay sasa kaniya.
21Nguni't kung ang masama ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga palatuntunan, at gumawa ng tapat at matuwid, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
22Wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang katuwiran na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.
23Mayroon baga akong anomang kasayahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong Dios: at hindi baga mabuti na siya'y humiwalay sa kaniyang lakad, at mabuhay?
24Nguni't pagka ang matuwid ay humiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at gumagawa ng ayon sa lahat na kasuklamsuklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay baga siya? Walang aalalahanin sa kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa: sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang isinalangsang, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinagkasala, sa mga yaon mamamatay siya.
25Gayon ma'y inyong sinasabi, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Pakinggan mo ngayon, Oh sangbahayan ni Israel, Hindi baga ang aking daan ay matuwid? hindi baga ang iyong mga lakad ang di matuwid?
26Pagka ang matuwid ay humihiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at kinamamatayan; sa kasamaan na kaniyang nagawa ay mamamatay siya.
27Muli, pagka ang masama ay humihiwalay sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ililigtas na buhay ang kaniyang kaluluwa.
28Sapagka't siya'y nagmunimuni, at humiwalay sa lahat niyang pagsalangsang na kaniyang nagawa, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
29Gayon ma'y sabi ng sangbahayan ni Israel, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga ang aking mga daan ay matuwid? hindi baga ang iyong mga lakad ay ang di matuwid?
30Kaya't hahatulan ko kayo, Oh sangbahayan ni Israel, bawa't isa'y ayon sa kaniyang mga lakad, sabi ng Panginoong Dios. Kayo'y mangagbalik-loob, at magsihiwalay kayo sa lahat ninyong pagsalangsang; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan.
31Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsalangsang, na inyong isinalangsang: at kayo'y magbagong loob at magbagong diwa: sapagka't bakit kayo mamamatay, Oh angkan ni Israel?
32Sapagka't wala akong kasayahan sa kamatayan niya na namamatay, sabi ng Panginoong Dios: kaya't magsipagbalik-loob kayo, at kayo'y mangabuhay.