Kabanata 22

1 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 At Ikaw, anak ng tao, hahatulan mo baga, hahatulan mo baga ang bayang mabagsik? ipakilala mo nga sa kaniya ang lahat niyang kasuklamsuklam.
3 At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Bayang nagbububo ng dugo sa gitna niya, na ang kaniyang panahon ay darating, at gumagawa ng mga diosdiosan laban sa kaniyang sarili, upang mapahamak siya!
4 Ikaw ay naging salarin dahil sa iyong dugo na iyong ibinubo, at ikaw ay napahamak sa iyong mga diosdiosan na iyong ginawa; at iyong pinalapit ang iyong mga kaarawan, at ikaw ay dumating hanggang sa iyong mga taon; kaya't ginawa kitang isang kapulaan sa mga bansa, at isang katuyaan sa lahat na lupain.
5 Yaong mga malapit, at yaong mga malayo, ay magsisituya sa iyo, ikaw na napahamak at puno ng kagulo.
6 Narito, ang mga prinsipe sa Israel, na bawa't isa'y ayon sa kaniyang kapangyarihan, napasa iyo upang magbubo ng dugo.
7 Sa iyo'y kanilang niwalang kabuluhan ang ama't ina; sa gitna mo ay pinahirapan nila ang taga ibang lupa; sa iyo'y kanilang pinighati ang ulila at ang babaing bao.
8 Iyong hinamak ang aking mga banal na bagay, at iyong nilapastangan ang aking mga sabbath.
9 Mga maninirang puri ay napasa iyo upang magbubo ng dugo: at sa iyo'y nagsikain sila sa mga bundok: sa gitna mo ay nagkasala sila ng kahalayan.
10 Sa iyo'y kanilang inilitaw ang kahubaran ng kanilang mga magulang; sa iyo'y pinapakumbaba niya siya na marumi sa kaniyang pagkahiwalay.
11 At ang isa'y gumawa ng kasuklamsuklam sa asawa ng kaniyang kapuwa; at ang isa'y gumawa ng kahalayhalay sa kaniyang manugang na babae; at sa iyo'y sinipingan ng isa ang kaniyang kapatid na babae na anak ng kaniyang ama.
12 Sa iyo ay nagsitanggap sila ng suhol upang magbubo ng dugo; ikaw ay kumuha ng patubo't pakinabang, at ikaw ay nakinabang ng malabis sa iyong kapuwa sa pamamagitan ng pagpighati, at nilimot mo ako, sabi ng Panginoong Dios.
13 Narito nga, aking ipinakpak ang aking kamay dahil sa iyong masamang pakinabang na iyong ginawa, at sa iyong dugo na iyong ibinubo sa gitna mo.
14 Makapagmamatigas baga ang iyong puso, o makapagmamalakas baga ang iyong mga kamay sa mga araw na parurusahan kita? Akong Panginoon ang nagsalita, at gagawa niyaon.
15 At aking pangangalatin ka sa gitna ng mga bansa, at pananabugin kita sa mga lupain; at aking papawiin ang iyong karumihan sa gitna mo.
16 At ikaw ay malalapastangan sa iyong sarili, sa paningin ng mga bansa; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.
17At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
18Anak ng tao, ang sangbahayan ni Israel ay naging dumi ng bakal sa akin: silang lahat ay tanso at lata at bakal at tingga, sa gitna ng hurno; sila ay naging dumi ng pilak.
19Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayong lahat ay naging dumi ng bakal, kaya't narito, aking pipisanin kayo sa gitna ng Jerusalem.
20Kung paanong kanilang pinipisan ang pilak at ang tanso at ang bakal at ang tingga at ang lata sa gitna ng hurno, upang hipan ng apoy, upang tunawin; gayon ko kayo pipisanin sa aking galit at sa aking kapusukan, at aking ilalapag kayo roon, at pupugnawin ko kayo.
21Oo, aking pipisanin kayo, at hihipan ko kayo sa pamamagitan ng apoy ng aking poot, at kayo'y mangapupugnaw sa gitna niyaon.
22Kung paanong ang pilak ay natutunaw sa gitna ng hurno, gayon kayo mangatutunaw sa gitna niyaon; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagbububos ng aking kapusukan sa inyo.
23At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
24Anak ng tao, sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay isang lupain na hindi nilinis, o naulanan man sa kaarawan ng pagkagalit.
25May panghihimagsik ng kaniyang mga propeta sa gitna niyaon, gaya ng leong umuungal na umaagaw ng huli: sila'y nanganakmal ng mga tao; sila'y nagsikuha ng kayamanan at ng mga mahalagang bagay; pinarami nila ang kanilang babaing bao sa gitna niyaon,
26Ang mga saserdote niyaon ay nagsigawa ng pangdadahas sa aking kautusan, at nilapastangan ang aking mga banal na bagay: sila'y hindi nangaglagay ng pagkakaiba sa banal at sa karaniwan, o kanila mang pinapagmunimuni ang mga tao sa marumi at sa malinis, at ikinubli ang kanilang mga mata sa aking mga sabbath, at ako'y nalapastangan sa gitna nila.
27Ang mga prinsipe sa gitna niyaon ay parang mga lobo na nangangagaw ng huli, upang mangagbubo ng dugo, at upang magpahamak ng mga tao, upang sila'y mangagkaroon ng mahalay na pakinabang.
28At itinapal ng mga propeta niyaon ang masamang argamasa para sa kanila, na nakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kabulaanan sa kanila, na nangagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, dangang hindi sinalita ng Panginoon.
29Ang bayan ng lupain ay gumawa ng pagpighati, at nagnakaw; oo, kanilang pinagdalamhati ang dukha at mapagkailangan, at pinighati ng wala sa katuwiran ang taga ibang lupa.
30At ako'y humanap ng lalake sa gitna nila, na makakagawa ng bakod, at makatatayo sa sira sa harap ko dahil sa lupain, upang huwag kong ipahamak; nguni't wala akong nasumpungan.
31Kaya't aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking sinupok sila ng apoy ng aking poot: ang kanilang sariling lakad ay aking pinarating sa kanilang mga ulo, sabi ng Panginoong Dios.