Kabanata 5
1 At ikaw, anak ng tao, magdala ka ng matalas na tabak; na parang pangahit ng manggugupit ang iyong dadalhin, at iyong pararaanin sa iyong ulo at sa iyong balbas: kung magkagayo'y kumuha ka ng timbangang panimbang, at bahagihin mo ang buhok.
2 Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng bayan, pagka ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at susugatan mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong pangangalatin sa hangin, at ako'y magbubunot ng tabak sa likuran nila.
3 At kukuha ka sa mga yaon ng kaunti sa bilang, at ipagtatali mo sa iyong mga tunika.
4 At sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy; siyang panggagalingan ng apoy sa buong sangbahayan ni Israel.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ito ay Jerusalem; inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at mga lupain ay nangasa palibot niya.
6 At siya'y nanghimagsik laban sa aking mga kahatulan sa paggawa ng kasamaan na higit kay sa ginawa ng mga bansa, at laban sa aking mga palatuntunan na higit kay sa mga lupain na nangasa palibot niya; sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at tungkol sa aking mga palatuntunan, hindi nila nilakaran.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayo'y manggugulo na higit kay sa mga bansa na nangasa palibot ninyo, at hindi nagsilakad sa aking mga palatuntunan, o iningatan man ang aking mga kahatulan, o nagsigawa man ng ayon sa mga ayos sa mga bansa na nangasa palibot ninyo;
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, ay laban sa iyo; at ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.
9 At aking gagawin sa iyo ang hindi ko ginawa, at hindi ko na gagawin pa ang kaparis, dahil sa iyong lahat na kasuklamsuklam.
10 Kaya't kakanin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakanin ng mga anak ang kanilang mga magulang; at ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang buong nalabi sa iyo ay aking pangangalatin sa lahat ng dako.
11 Kaya't buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala, na sapagka't iyong nilapastangan ang aking santuario ng lahat mong kasuklamsuklam na bagay, at ng lahat mong karumaldumal, kaya't akin namang babawasan ka; ni hindi magpapatawad ang aking mata, at ako nama'y hindi mahahabag.
12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng kagutom ay mauubos sila sa gitna mo; at ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo; at ang ikatlong bahagi ay aking pangangalatin sa lahat ng dako, at magbubunot ako ng tabak sa likuran.
13 Ganito magaganap ang aking galit, at aking lulubusin ang aking kapusukan sa kanila, at ako'y maaaliw: at kanilang malalaman na akong Panginoon ay nagsalita sa aking pagsisikap, pagka aking naganap ang aking kapusukan sa kanila.
14 Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at kapulaan, sa gitna ng mga bansa na nangasa palibot mo, sa paningin ng lahat na nagsisidaan.
15 Sa gayo'y magiging kadustaan at kapulaan, aral at katigilan sa mga bansang nangasa palibot mo, pagka ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa kapusukan, at sa mababagsik na pagsaway (akong Panginoon ang nagsalita);
16 Pagka ako'y magpapasapit sa kanila ng mga masamang pana ng kagutom na ikasisira nila, na siyang aking pasasapitin upang sirain kayo. At aking palalalain ang kagutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay;
17At ako'y magpapasapit sa inyo ng kagutom at mga masamang hayop, at kanilang aalisan ka ng anak; at salot at dugo ay daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo; ako ang Panginoon na nagsalita.