Kabanata 40
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi,
2 Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng kapisanan.
3 At iyong isisilid doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ang kaban ng lambong.
4 At iyong ipapasok ang dulang, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyaon; at iyong ipapasok ang kandelero at iyong sisindihan ang mga ilawan niyaon.
5 At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa kamangyan sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing ng pintuan sa tabernakulo.
6 At iyong ilalagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
7 At iyong ilalagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo at ng dambana, at iyong sisidlan ng tubig.
8 At iyong ilalagay ang looban sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuang daan ng looban.
9 At kukuha ka ng langis na pangpahid, at papahiran mo ang tabernakulo, at lahat na nandoon, at iyong pakakabanalin, at lahat ng kasangkapan niyaon: at magiging banal.
10 At iyong papahiran ng langis ang dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng kasangkapan, at iyong pakakabanalin ang dambana: at ang dambana ay magiging kabanalbanalan.
11 At iyong papahiran din naman ng langis ang hugasan at ang tungtungan, at iyong pakakabanalin.
12 At iyong dadalhin si Aaron at ang kaniyang mga anak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong paliliguan ng tubig.
13 At iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuutan; at iyong papahiran ng langis siya, at iyong papagbanalin siya, upang siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.
14 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at iyong susuutan sila ng mga kasuutan:
15 At iyong papahiran ng langis sila gaya ng iyong pagkapahid sa kanilang ama, upang sila'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, at ang pagpapahid sa kanila ay maging sa kanila'y pinakatanda ng walang hanggang pagka-saserdote sa buong panahon ng kanilang lahi.
16 Gayon ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayong ginawa niya.
17At nangyari sa unang buwan nang ikalawang taon nang unang araw ng buwan, na ang tabernakulo'y itinayo.
18At itinayo ni Moises ang tabernakulo, at inilagay ang mga tungtungan, at ipinatong ang mga malaking tabla, at isinuot ang mga barakilan, at itinayo ang mga haligi niyaon.
19At kaniyang inunat ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kaniyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyaon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
20At kaniyang kinuha at inilagay ang mga tabla ng patotoo sa loob ng kaban, at kaniyang inilagay ang mga pingga sa kaban, at kaniyang inilagay ang luklukan ng awa sa itaas ng ibabaw ng kaban:
21At kaniyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang lambong ng tabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22At kaniyang inilagay ang dulang sa loob ng tabernakulo ng kapisanan, sa dakong hilagaan ng tabernakulo, sa labas ng lambong.
23At kaniyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng dulang sa harap ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
24At kaniyang inilagay ang kandelero sa tabernakulo ng kapisanan, sa tapat ng dulang, sa tagilirang timugan ng tabernakulo.
25At kaniyang sinindihan ang mga ilawan sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
26At kaniyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng lambong.
27At siya'y nagsunog doon ng kamangyan na mabangong espesia; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
28At kaniyang inilagay ang tabing ng pintuan sa tabernakulo.
29At kaniyang inilagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at pinaghandugan ng handog na susunugin, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30At kaniyang inilagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo, ng kapisanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan.
31At si Moises at si Aaron at ang kaniyang mga anak, ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa;
32Pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, at pagka sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
33At kaniyang inilagay ang looban sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuang daan ng looban. Gayon tinapos ni Moises ang gawain.
34Nang magkagayo'y tinakpan ng ulap ang tabernakulo ng kapisanan, at pinuno ng Panginoon ng kaluwalhatian ang tabernakulo.
35At si Moises ay hindi makapasok sa tabernakulo ng kapisanan, sapagka't lumagay sa ibabaw niyaon ang ulap, at pinuspos ng Panginoon ng kaluwalhatian ang tabernakulo.
36At pagka ang ulap ay napaiitaas mula sa tabernakulo, ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang buong paglalakbay:
37Datapuwa't kung ang ulap ay hindi napaiitaas, ay hindi nga sila naglalakbay hanggang sa araw na napaiitaas.
38Sapagka't ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyaon sa gabi, sa paningin ng buong lahi ng Israel, sa kanilang buong paglalakbay.