Levitico


Kabanata 1

1 At tinawag ng Panginoon si Moises at sinalita sa kaniya mula sa tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinoman sa inyo ay naghahandog ng alay sa Panginoon, ang ihahandog ninyong alay ay galing sa mga hayop, sa mga bakahan at sa kawan.
3 Kung ang kaniyang alay ay handog na susunugin na kinuha sa bakahan, ang ihahandog niya'y isang lalake na walang kapintasan: sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ihahandog niya, upang tanggapin sa harap ng Panginoon.
4 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog na susunugin; at tatanggapin sa ikagagaling niya, upang gumawa ng pakikipagkasundo sa kaniya.
5 At kaniyang papatayin ang guyang toro sa harap ng Panginoon: at ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay siyang mangaghaharap ng dugo at iwiwisik ang dugo sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
6 At lalaplapin ang handog na susunugin, at kakatayin.
7 At ang mga anak ni Aaron na saserdote ay magsisipaglagay ng apoy sa ibabaw ng dambana, at magsisipagayos ng kahoy sa apoy;
8 At aayusin ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang mga pinagputolputol, ang ulo, at ang taba, sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana:
9 Datapuwa't ang mga lamang loob at ang mga paa, ay huhugasan niya ng tubig. At susunugin ng saserdote ang kabuoan sa ibabaw ng dambana na pinakahandog na susunugin, isang handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
10 At kung ang kaniyang alay ay kinuha sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, na pinakahandog na susunugin; ang kaniyang ihahandog ay isang lalaking walang kapintasan.
11 At kaniyang papatayin sa dakong hilagaan ng dambana, sa harap ng Panginoon: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo niyaon sa ibabaw ng dambana sa palibot.
12 At kaniyang kakatayin pati ang ulo, at ang taba; at mga iaayos ng saserdote sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana;
13 Datapuwa't ang mga lamang loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng saserdote ang kabuoan, at susunugin sa dambana: isa ngang handog na susunugin na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
14 At kung ang kaniyang alay sa Panginoon ay handog na susunugin na mga ibon, ang ihahandog nga niyang alay ay mga batobato o mga inakay ng kalapati.
15 At dadalhin ng saserdote sa dambana, at pupugutan ng ulo yaon, at susunugin sa ibabaw ng dambana; at ang dugo'y pipigain sa tabi ng dambana:
16 At aalisin niya ang butsi pati ang mga balahibo, at ihahagis sa tabi ng dambana, sa dakong silanganan, sa kinalalagyan ng mga abo:
17At babaakin na hahawakan sa mga pakpak, datapuwa't hindi pakakahatiin. At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy: isa ngang handog na susunugin, na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.