Kabanata 6
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ngayo'y iyong makikita kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagka't sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila, at sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay palalayasin niya sila sa kaniyang lupain.
2 At ang Dios ay nagsalita kay Moises, at nagsabi sa kaniya, Ako'y si Jehova.
3 At ako'y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob na Dios na Makapangyarihan sa lahat; nguni't sa pamamagitan ng aking pangalang Jehova, noon ay hindi ako napakilala sa kanila.
4 At akin ding pinapagtibay ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain ng kanilang pakikipamayan, na kanilang pinakipamayanan.
5 At bukod dito'y aking narinig ang hibik ng mga anak ni Israel na mga binibinbin ng mga Egipcio sa pagkaalipin; at aking naalaala ang aking tipan.
6 Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako'y si Jehova at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may unat na kamay at may mga dakilang kahatulan:
7 At kayo'y aking aariin na pinakabayan ko at ako'y magiging sa inyo'y Dios, at inyong makikilala na ako'y si Jehova ninyong Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio.
8 At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na aking ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako'y si Jehova.
9 At sinalitang gayon ni Moises sa mga anak ni Israel; datapuwa't hindi sila nakinig kay Moises, dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin.
10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
11 Pumasok ka, salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, na kaniyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.
12 At si Moises ay nagsalita sa harap ng Panginoon, na sinasabi, Narito ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin, na ako'y may mga labing di tuli?
13 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila hinggil sa mga anak ni Israel, at kay Faraon, na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto.
14 Ito ang mga pangulo sa mga angkan ng kanilang mga magulang; ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi: ito ang mga angkan ni Ruben.
15 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zoar, at si Saul na anak sa isang babaing taga Canaan: ito ang mga angkan ni Simeon.
16 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang lahi; si Gerson, at si Coath, at si Merari; at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlong pu't pitong taon.
17Ang mga anak ni Gerson; si Libni at si Shimi, ayon sa kanikanilang angkan.
18At ang mga anak ni Coath; si Amram, at si Izhar, at si Hebron, at si Uzziel; at ang mga naging taon ng buhay ni Coath ay isang daan at tatlong pu't tatlong taon.
19At ang mga anak ni Merari; si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang lahi.
20At nagasawa si Amram kay Jochebed na kapatid na babae ng kaniyang ama, at ipinanganak nito sa kaniya si Aaron at si Moises: at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlong pu't pitong taon.
21At ang mga anak ni Izhar; si Cora, at si Nepheg, at si Zithri.
22At ang mga anak ni Uzziel; si Misael, at si Elzaphan, at si Zithri.
23At nagasawa si Aaron kay Elisabeth, na anak ni Aminadab, na kapatid ni Naason; at ipinanganak nito sa kaniya si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.
24At ang mga anak ni Cora; si Assir, at si Elcana, at si Abiasaph; ito ang mga angkan ng mga Corita.
25At si Eleazar na anak ni Aaron, ay nagasawa sa isa sa mga anak ni Phutiel; at ipinanganak niya si Phinees. Ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.
26Ito'y yaong si Aaron at si Moises, na siyang pinagsabihan ng Panginoon. Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupaing Egipto ayon sa kanilang mga hukbo.
27Ito ang mga nagsalita kay Faraon na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Egipto: ang mga ito'y si Moises at si Aaron.
28At nangyari ng araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Egipto,
29Na sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, Ako nga ang Panginoon; salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, ang lahat ng aking sinasalita sa iyo.
30At sinabi ni Moises sa harap ng Panginoon, Narito ako'y may mga labing di tuli, at paanong si Faraon ay makikinig sa akin?