Kabanata 23
1 Huwag kang magkakalat ng kasinungalingan: huwag kang makikipagkayari sa masama, na maging saksi kang sinungaling.
2 Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama; ni magbibigay patotoo man sa isang usap, na ang kiling ay sa karamihan upang sirain ang kahatulan:
3 Ni huwag mo ring kikilingan ang dukha sa kaniyang usap.
4 Kung iyong masumpungan ang baka ng iyong kaalit o ang kaniyang asno, na nakawala, ay tunay na ibabalik mo sa kaniya.
5 Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo, na nakalugmok sa ilalim ng kaniyang pasan, at ayaw mo mang alisan ng pasan, ay walang pagsalang iyong tutulungan pati ng may-ari niyaon.
6 Huwag mong sisirain ang kahatulan ng iyong dukha, sa kaniyang usap.
7 Layuan mo ang bagay na kasinungalingan, at ang walang sala at ang matuwid, ay huwag mong papatayin: sapagka't hindi ko patototohanan ang masama.
8 At huwag kang tatanggap ng suhol: sapagka't ang suhol ay bumubulag sa mga may paningin, at sinisira ang mga salita ng mga banal.
9 At ang taga ibang lupa ay huwag mong pipighatiin sapagka't talastas ninyo ang puso ng taga ibang lupa, yamang kayo'y naging mga taga ibang lupa, sa lupain ng Egipto.
10 Anim na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyaon:
11 Datapuwa't sa ikapitong taon ay iyong iiwan at babayaan, upang kumain ang dukha sa iyong bayan: at ang kanilang iwan ay kakanin ng hayop sa bukid. Gayon din ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong olibohan.
12 Anim na araw, na iyong gagawin ang iyong gawain, at sa ikapitong araw, ay magpapahinga ka: upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga; at ang anak na lalake ng iyong aliping babae, at ang taga ibang lupa ay makapagpahinga.
13 At lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo ay inyong ingatan: at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang dios, o marinig man sa inyong bibig.
14 Makaitlong magdidiwang ka ng pista sa akin, sa bawa't taon.
15 Ang pista ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipagdidiwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib (sapagka't niyaon ka umalis sa Egipto); at walang lalapit sa harap ko na walang dala:
16 At ang pista ng pagaani ng mga unang bunga ng iyong kapagalan, na iyong inihasik sa bukid: at ang pista ng pagaani, sa katapusan ng taon, nang pagaani mo ng iyong kapagalan sa bukid.
17Makaitlo sa bawa't taon na ang lahat na iyong mga lalake ay haharap sa Panginoong Dios.
18Huwag mong ihahandog ang dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o iiwan mo man ang taba ng aking pista sa buong magdamag hanggang sa kinaumagahan.
19Ang mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong ipapasok sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.
20Narito, aking sinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda sa iyo.
21Magingat kayo sa kaniya, at dinggin ninyo ang kaniyang tinig; huwag ninyong mungkahiin siya: sapagka't hindi niya patatawarin ang inyong pagsalangsang; sapagka't ang aking pangalan ay nasa kaniya.
22Datapuwa't kung didinggin mong lubos ang kaniyang tinig, at gagawin mo ang lahat ng aking sinasalita; ay magiging kaaway nga ako ng iyong mga kaaway, kaalit ng iyong mga kaalit.
23Sapagka't ang aking anghel ay magpapauna sa iyo at dadalhin ka sa Amorrheo, at sa Hetheo at sa Perezeo, at sa Cananeo, at sa Heveo, at sa Jebuseo, at aking lilipulin.
24Huwag kang yuyukod sa kanilang mga dios, o maglilingkod man sa mga yaon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong iwawaksi at iyong pagpuputulputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala.
25At inyong paglilingkuran ang Panginoon ninyong Dios, at kaniyang babasbasan ang iyong tinapay at ang iyong tubig; at aking aalisin ang sakit sa gitna mo.
26Walang babaing makukunan, o magiging baog man, sa iyong lupain: ang bilang ng iyong mga araw ay aking lulubusin.
27Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at aking liligaligin ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.
28At aking susuguin ang mga putakti sa unahan mo, na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo at sa Hetheo, sa harap mo.
29Hindi ko palalayasin sila sa harap mo sa isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mga ganid sa parang ay magsidami laban sa iyo.
30Untiunting aking palalayasin sila sa harap mo, hanggang sa ikaw ay kumapal at manahin mo ang lupain.
31At aking itatatag ang iyong hangganan na mula sa Dagat na Mapula hanggang sa dagat ng Filistia at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Eufrates: sapagka't aking ibibigay ang mga nananahan sa lupain sa iyong kamay, at iyo silang palalayasin sa harap mo.
32Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga dios.
33Sila'y hindi tatahan sa iyong lupain, baka papagkasalahin ka nila laban sa akin: sapagka't kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga dios, ay tunay na magiging silo sa iyo.