Kabanata 15

1 Nang magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi, Ako'y aawit sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati: Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat.
2 Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya'y naging aking kaligtasan: Ito'y aking Dios, at siya'y aking pupurihin. Dios ng aking ama, at siya'y aking tatanghalin.
3 Ang Panginoo'y isang mangdidigma: Panginoon ang kaniyang pangalan.
4 Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat; At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula.
5 Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila: Sila'y lumubog sa mga kalaliman, na parang isang bato.
6 Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan. Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway.
7 At sa kalakhan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo: Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang dayami.
8 At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang tubig, Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
9 Sinabi ng kaaway, Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam, Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila; Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.
10 Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat. Sila'y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig.
11 Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios? Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan, Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12 Iyong iniunat ang iyong kanang kamay, Nilamon sila ng lupa.
13 Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong tinubos: Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila sa banal mong tahanan.
14 Narinig ng mga bayan; at sila'y nanginig: Mga sakit ang kumapit sa mga taga Filistia.
15 Nang magkagayo'y natulig ang mga pangulo sa Edom; Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila: Lahat ng taga Canaan ay nauubos.
16 Sindak at gulat ang suma-sakanila; Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato; Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon, Hanggang sa makaraan ang bayang ito na iyong kinamtan.
17Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana, Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan, Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man.
19Sapagka't ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa't lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20At si Miriam na propetisa na kapatid ni Aaron, ay tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan.
21At sila'y sinagot ni Miriam, Umawit kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati; Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat.
22At pinatnubayan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Mapula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; at sila'y lumakad na tatlong araw sa ilang, at hindi nakasumpong ng tubig.
23At nang sila'y dumating sa Mara, ay hindi sila makainom ng tubig sa Mara, sapagka't mapait: kaya't ang pangalang itinawag ay Mara.
24At inupasala ng bayan si Moises, na sinasabi, Anong aming iinumin?
25At siya'y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin at doon sila sinubok niya;
26At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.
27At sila'y dumating sa Elim, na doo'y mayroong labingdalawang bukal ng tubig, at pitongpung puno ng palma; at sila'y humantong doon sa tabi ng mga tubig.