Kabanata 9

1 Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kaniya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
2 Sapagka't kung tatanggihan mong payaunin sila, at sila'y pipigilin mo pa,
3 Ay narito, ang kamay ng Panginoon ay nakapatong sa iyong hayop na nasa parang, nakapatong sa mga kabayo, nakapatong sa mga asno, nakapatong sa mga kamello, nakapatong sa mga bakahan, at nakapatong sa mga kawan; na magkakaroon ng malaking pagkakasalot.
4 At gagawan ng katangian ng Panginoon ang hayop ng Israel at ang hayop ng Egipto: at walang mamamatay sa lahat ng ukol sa mga anak ni Israel.
5 At ang Panginoon ay nagtakda ng panahon, na sinasabi, Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.
6 At ginawa ng Panginoon ang bagay na yaon ng kinabukasan, at ang lahat ng hayop sa Egipto ay namatay: nguni't sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.
7 At si Faraon ay nagsugo, at narito, walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Nguni't ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang bayan.
8 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.
9 At magiging durog na alabok sa buong lupain ng Egipto, at magiging bukol na naknakin sa tao, at sa hayop, sa buong lupain ng Egipto.
10 At sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon, at isinaboy ni Moises sa himpapawid; at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop.
11 At ang mga mahiko ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga bukol; sapagka't nagkabukol ang mga mahiko at ang mga Egipcio.
12 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya dininig sila gaya ng sinalita ng Panginoon kay Moises.
13 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon, at sabihin mo sa kaniya: Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
14 Sapagka't ngayo'y ibubugso ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa.
15 Sapagka't ngayo'y iniunat ko na ang aking kamay, upang salutin kita, at ang iyong bayan, at nawala ka na sa lupa:
16 Datapuwa't totoong totoo, na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay mahayag sa buong lupa.
17Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, na ayaw mo silang payaunin?
18Narito, bukas, sa ganitong oras, ay magpapaulan ako ng malakas na granizo, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa Egipto mula nang araw na itayo hanggang ngayon.
19Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagka't bawa't tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalakpakan ng granizo at mamamatay.
20Yaong natakot sa salita ng Panginoon, sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwing madali ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang hayop sa mga bahay:
21At yaong nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay nagpabaya ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang kawan sa parang.
22At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magkaroon ng granizo sa buong lupain ng Egipto, na lumagpak sa tao, at sa hayop, at sa bawa't halaman sa parang sa buong lupain ng Egipto.
23At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; at ang Panginoo'y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo'y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto.
24Sa gayo'y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa.
25At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.
26Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo.
27At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, Ako'y nagkasala ngayon: ang Panginoo'y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama.
28Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka't nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.
29At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y sa Panginoon.
30Nguni't tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios.
31At ang lino at ang cebada ay nasaktan; sapagka't ang cebada ay naguuhay na at ang lino ay namumulaklak na.
32Datapuwa't ang trigo at ang espelta ay hindi nasaktan: sapagka't hindi pa tumutubo.
33At si Moises ay lumabas sa bayan na galing kay Faraon, at inilahad ang kaniyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa.
34At nang makita ni Faraon, na ang ulan, at ang granizo, at ang mga kulog ay tumigil, ay lalong nagkasala pa, at nagmatigas ang kaniyang puso, siya at ang kaniyang mga lingkod.
35At ang puso ni Farao'y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel; gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.