Kabanata 38
1 At kaniyang ginawa ang dambanang pagsusunugan ng handog na kahoy na akasia: limang siko ang haba niyaon, at limang siko ang luwang niyaon, parisukat; at tatlong siko ang taas niyaon.
2 At kaniyang ginawa ang mga anyong sungay niyaon sa ibabaw ng apat na sulok niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din: at kaniyang binalot ng tanso.
3 At kaniyang ginawa ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana: ang mga kawa, at ang mga pala, at ang mga mangkok, ang mga pangalawit, at ang mga suuban lahat ng kasangkapan ay kaniyang ginawang tanso.
4 At kaniyang iginawa ang dambana ng isang salang tanso na ayos lambat, sa ibaba ng gilid ng dambana sa palibot niyaon, sa dakong ibaba, na umaabot hanggang sa kalahatian ng dambana.
5 At siya'y nagbubo ng apat na argolya para sa apat na sulok ng pinakasalang tanso, sa mga dakong susuutan ng mga pingga.
6 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng tanso.
7 At kaniyang isinuot ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng dambana, upang mabuhat; ginawa niya ang dambana na kuluong sa pamamagitan ng mga tabla.
8 At kaniyang ginawa ang hugasan na tanso, at ang tungtungan niyao'y tanso, na niyari sa mga salamin ang tanso ng mga tagapaglingkod na babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
9 At kaniyang ginawa ang looban, sa tagilirang timugan na dakong timugan, ang tabing ng looban ay mga linong pinili na may isang daang siko:
10 Ang mga haligi ng mga yao'y dalawangpu, at ang mga tungtungan ay dalawangpu, tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak.
11 At sa dakong hilagaan ay may isang daang siko, ang mga haligi ay dalawangpu, at ang mga tungtungan ay dalawangpu, tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak.
12 At sa tagilirang kalunuran, may mga tabing na may limangpung siko, ang mga haligi ay sangpu, at ang mga tungtungan ay sangpu; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak.
13 At sa tagilirang silanganan na dakong silanganan ay may limangpung siko.
14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuang-daan ay may labinglimang siko; ang mga haligi ay tatlo, at ang mga tungtungan ay tatlo;
15 At gayon din sa kabilang dako: sa dakong ito at sa dakong yaon ng pintuang daan ng looban ay may mga tabing na tiglalabing limang siko; ang mga haligi niyaon, ay tatlo, at ang mga tungtungan niyaon ay tatlo.
16 Lahat ng mga tabing ng looban sa palibot, ay linong pinili.
17At ang mga tungtungan para sa mga haligi ay tanso: ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak; at ang mga balot ng mga kapitel ay pilak; at ang lahat ng haligi ng looban ay napipiletehan ng pilak.
18At ang tabing sa pintuang daan ng looban ay yari ng mangbuburda, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili: at may dalawangpung siko ang haba, at ang taas sa luwang ay may limang siko, na kabagay ng mga tabing sa looban.
19At ang mga haligi ay apat, at ang mga tungtungan ay apat, tanso; ang mga sima ay pilak, at ang mga balot ng kapitel, at ang mga pilete ay pilak.
20At lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng looban sa palibot, ay tanso.
21Ito ang mga bilang ng mga bagay sa tabernakulo, sa makatuwid baga'y sa tabernakulo ng patotoo, gaya ng binilang nila, ayon sa utos ni Moises para sa paglilingkod ng mga Levita sa pamamagitan ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.
22At ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, yaong lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises.
23At kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan, na tagapagukit, at bihasang manggagawa, at mangbuburda sa bughaw at sa kulay-ube, at sa pula, at sa lino.
24Lahat ng ginto na ginamit sa gagawin sa buong gawain sa santuario, sa makatuwid baga'y ang gintong handog ay dalawangpu't siyam na talento, at pitong daan at tatlongpung siklo, ayon sa siklo ng santuario.
25At ang pilak niyaong mga nabilang sa kapisanan ay isang daang talento, at isang libo't pitong daan at pitongpu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuario:
26Na tigisang beka bawa't ulo, samakatuwid, kalahati ng isang siklo, ayon sa siklo ng santuario, sa bawa't isa na nasanib sa mga nabilang, magmula sa dalawangpung taong gulang na patanda, sa anim na raan at tatlong libo at limang daan at limangpung lalake.
27At ang isang daang talentong pilak ay ginamit sa pagbububo ng mga tungtungan ng santuario, at ng mga tungtungan ng mga haligi ng lambong; isang daang tungtungan sa isang daang talento, isang talento sa bawa't tungtungan.
28At sa isang libo't pitong daan at pitong pu't limang siklo, ay naigawa ng sima ang mga haligi at binalot ang mga kapitel, at iginawa ng mga pilete.
29At ang tansong handog ay pitongpung talento, at dalawang libo at apat na raang siklo.
30At siyang ipinaggawa ng mga tungtungan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at ng dambanang tanso, at ng salang tanso niyaon, at ng lahat ng kasangkapan ng dambana,
31At ng mga tungtungan ng looban sa palibot, at ng mga tungtungan ng pintuan ng looban, at ng lahat ng mga tulos ng dampa, at ng lahat ng mga tulos ng looban sa palibot.