Kabanata 29
1 At ito ang bagay na iyong gagawin sa kanila na ibukod sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote: kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupang walang kapintasan.
2 At tinapay na walang lebadura, at mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis: na gagawin mo sa mainam na harina ng trigo.
3 At iyong isisilid sa isang bakol, at dadalhin mo na nasa bakol, sangpu ng toro at ng dalawang tupang lalake.
4 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.
5 At iyong kukunin ang mga kasuutan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika niya, at ang balabal ng epod, at ang epod, at ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod:
6 At iyong ipuputong ang mitra sa kaniyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa mitra.
7 Saka mo kukunin ang langis na pangpahid, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kaniyang ulo, at papahiran mo ng langis siya.
8 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at susuutan mo ng mga tunika sila.
9 At iyong bibigkisan sila ng mga pamigkis, si Aaron at ang kaniyang mga anak, at itatali mo ang mga tiara sa kanikaniyang ulo: at tatamuhin nila ang pagkasaserdote na pinakapalatuntunang palagi: at iyong papagbabanalin si Aaron at ang kaniyang mga anak.
10 At iyong dadalhin ang toro sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng toro.
11 At iyong papatayin ang toro sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
12 At kukuha ka ng dugo ng toro, at ilalagay mo ng iyong daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.
13 At kukunin mo ang buong taba na nakababalot sa bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.
14 Datapuwa't ang laman ng toro, at ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampamento: handog nga dahil sa kasalanan.
15 Kukunin mo rin ang isang lalaking tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng lalaking tupa.
16 At iyong papatayin ang lalaking tupa, at iyong kukunin ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.
17At iyong kakatayin ang tupa at huhugasan mo ang bituka, at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga pinagputolputol at sa ulo.
18At iyong susunugin ang buong tupa sa ibabaw ng dambana: handog na susunugin nga sa Panginoon; pinaka masarap na amoy na handog sa Panginoon, na pinaraan sa apoy.
19At kukunin mo ang isang tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng tupa.
20Saka mo papatayin ang tupa, at kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa pingol ng kanang tainga ng kaniyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang dugong labis sa ibabaw ng dambana sa palibot.
21At kukuha ka ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pangpahid, at iwiwisik mo kay Aaron, at sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak na kasama niya: at ikapapaging banal niya at ng kaniyang mga suot, at ng kaniyang mga anak, at ng mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.
22Kukunin mo rin naman sa lalaking tupa ang taba, at ang matabang buntot, at ang tabang nakababalot sa mga bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at ang kanang hita (sapagka't isang lalaking tupa na itinalaga),
23At isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na nilangisan, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang lebadura na nasa harap ng Panginoon:
24At iyong ilalagay ang kabuoan sa mga kamay ni Aaron, at sa mga kamay ng kaniyang mga anak; at iyong mga luluglugin na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon.
25At iyong kukunin sa kanilang mga kamay, at iyong susunugin sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin, na pinaka masarap na amoy sa harap ng Panginoon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
26At kukunin mo ang dibdib ng tupa na itinalaga ni Aaron, at luglugin mo na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon: at magiging iyong bahagi.
27At iyong ihihiwalay ang dibdib ng handog na niluglog, at ang hita ng handog na itinaas, ang niluglog at ang itinaas, ng lalaking tupa na itinalaga na kay Aaron at sa kaniyang mga anak;
28At magiging kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na pinaka bahagi magpakailan man, na mula sa mga anak ni Israel: sapagka't isang handog na itinaas: at magiging isang handog na itinaas sa ganang mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga hain tungkol sa kapayapaan: na dili iba't kanilang handog ngang itinaas sa Panginoon.
29At ang mga banal na kasuutan ni Aaron ay magiging sa kaniyang mga anak, pagkamatay niya, upang pahiran ng langis sa mga yaon, at upang italaga sa mga yaon.
30Pitong araw na isusuot ng anak na magiging saserdote nakahalili niya, pagka siya'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan upang mangasiwa sa dakong banal.
31At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at lulutuin mo ang kaniyang laman sa dakong banal.
32At kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
33At kanilang kakanin ang mga bagay na yaon, na ipinangtubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila: datapuwa't hindi kakain niyaon ang sinomang taga ibang lupa, sapagka't mga bagay na banal.
34At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang labis: hindi kakanin, sapagka't yao'y banal.
35At ganito mo gagawin kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo: pitong araw na iyong itatalaga sila.
36At araw-araw ay maghahandog ka ng toro na pinakahandog, dahil sa kasalanan na pinakapangtubos: at iyong lilinisin ang dambana pagka iyong ipinanggagawa ng katubusan yaon; at iyong papahiran ng langis upang pakabanalin.
37Pitong araw na iyong tutubusin sa sala ang dambana, at iyong pakakabanalin; at ang dambana ay magiging kabanalbanalan; anomang masagi sa dambana ay magiging banal.
38Ito nga ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero ng unang taon araw-araw na palagi.
39Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon:
40At kasama ng isang kordero na iyong ihahandog ang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ay pinakahandog na inumin.
41At ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong gagawin ayon sa handog na harina sa umaga, at ayon sa inuming handog niyaon, na pinaka masarap na amoy, na handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
42Magiging isang palaging handog na susunugin sa buong panahon ng inyong lahi sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa harap ng Panginoon; na aking pakikipagkitaan sa inyo, upang makipagusap ako roon sa iyo.
43At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel: at ang Tolda ay pakakabanalin sa pamamagitan ng aking kaluwalhatian.
44At aking pakakabanalin ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana; si Aaron man at ang kaniyang mga anak ay aking papagbabanalin upang mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.
45At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Dios.
46At kanilang makikilala, na ako ang Panginoon nilang Dios, na kumuha sa kanila sa lupain ng Egipto, upang ako'y tumahan sa gitna nila: ako ang Panginoon nilang Dios.