Kabanata 6

1 At ang kaban ng Panginoon ay napasa lupain ng mga Filisteo na pitong buwan.
2 At tinawag ng mga Filisteo ang mga saserdote at ang mga manghuhula, na sinasabi, Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Ipatalastas ninyo sa amin kung aming ipadadala sa kaniyang dako.
3 At kanilang sinabi, Kung inyong ipadadala ang kaban ng Dios ng Israel, ay huwag ninyong ipadalang walang laman; kundi sa ano pa man ay inyong ibalik siya na may handog ng dahil sa pagkakasala: kung magkagayo'y gagaling kayo, at malalaman ninyo kung bakit ang kaniyang kamay ay hindi humiwalay sa inyo.
4 Nang magkagayo'y kanilang sinabi, Ano ang handog dahil sa pagkakasala na aming igaganti sa kaniya? At kanilang sinabi, Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga pangulo ng mga Filisteo; sapagka't iisang salot ang napasa inyong lahat, at napasa inyong mga pangulo.
5 Kaya't kayo'y gagawa ng mga larawan ng inyong mga bukol, at mga larawan ng inyong mga daga na sumira ng lupain, at inyong bibigyan ng kaluwalhatian ang Dios ng Israel: baka sakaling kaniyang gaanan ang kaniyang kamay sa inyo, at sa inyong mga dios, at sa inyong lupain.
6 Bakit nga ninyo pinapagmamatigas ang inyong puso, na gaya ng mga taga Egipto at ni Faraon na pinapagmatigas ang kanilang puso? Nang siya'y makagawa ng kahangahanga sa kanila, di ba nila pinayaon ang bayan, at sila'y yumaon?
7 Ngayon nga'y kumuha kayo at maghanda kayo ng isang bagong karo, at dalawang bagong bakang gatasan, na hindi napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa karo, at iuwi ninyo ang kanilang mga guya.
8 At kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, at isilid ninyo sa karo; at isilid ninyo sa isang kahang nasa tabi niyaon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kaniya na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at inyong ipadala upang yumaon.
9 At tingnan ninyo; kung umahon sa daan ng kaniyang sariling hangganan sa Beth-semes, ginawa nga niya sa atin ang malaking kasamaang ito: nguni't kung hindi, malalaman nga natin na hindi kaniyang kamay ang nanakit sa atin; isang pagkakataong nangyari sa atin.
10 At ginawang gayon ng mga lalake, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan, at mga ikinabit sa karo, at kinulong ang kanilang mga guya sa bahay:
11 At kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa karo, at ang kaha na may mga dagang ginto at mga larawan ng kanilang mga bukol.
12 At tinuwid ng mga baka ang daan sa Beth-semes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang yumayaon, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga pangulo ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Beth-semes.
13 At silang mga Beth-semita ay umaani ng kanilang trigo sa libis: at kanilang itiningin ang kanilang mga mata, at nakita ang kaban, at nangagalak sa pagkakita niyaon.
14 At ang karo ay pumasok sa bukid ni Josue na Beth-semita, at tumayo roon, sa kinaroroonan ng isang malaking bato: at kanilang biniyak ang kahoy ng karo, at inihandog sa Panginoon ang mga baka na pinakahandog na susunugin.
15 At ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon, at ang kaha na kasama niyaon, na may silid na mga hiyas na ginto, at mga ipinatong sa malaking bato at ang mga lalake sa Beth-semes ay naghandog ng mga handog na susunugin at naghain ng mga hain ng araw ding yaon sa Panginoon.
16 At nang makita ng limang pangulo ng mga Filisteo, ay bumalik sa Ecron nang araw ding yaon.
17At ito ang mga bukol na ginto na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: sa Asdod ay isa, sa Gaza ay isa, sa Ascalon ay isa, sa Gath ay isa, sa Ecron ay isa;
18At ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga bayan ng mga Filisteo na nauukol sa limang pangulo, ng mga bayan na nakukutaan at gayon din ng mga nayon sa parang; sa makatuwid baga'y hanggang sa malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon, na ang batong yaon ay namamalagi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na Beth-semita.
19At sumakit ang Dios sa mga tao sa Beth-semes, sapagka't kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon, sa makatuwid baga'y pumatay siya sa bayan ng pitong pung lalake at limang pung libong tao. At ang bayan ay nanaghoy, sapagka't sinaktan ng Panginoon ang bayan ng di kawasang pagpatay.
20At ang mga lalake sa Beth-semes ay nagsabi, Sino ang makatatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Dios? at sino ang kaniyang sasampahin mula sa atin?
21At sila'y nagsugo ng mga sugo sa mga tumatahan sa Chiriath-jearim, na nagsasabi, Ibinalik ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y magsilusong at iahon ninyo sa inyo.