Kabanata 5
1 Kinuha nga ng mga Filisteo ang kaban ng Dios, at kanilang dinala sa Asdod mula sa Eben-ezer.
2 At kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Dios at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.
3 At nang bumangong maaga ang mga taga Asdod ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. At kanilang kinuha si Dagon, at inilagay siya uli sa dako niyang kinaroroonan.
4 At nang sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon; at ang ulo ni Dagon at gayon din ang mga palad ng kaniyang mga kamay ay putol na nasa tayuan ng pintuan; ang katawan lamang ang naiwan sa kaniya.
5 Kaya't ang mga saserdote man ni Dagon, o ang sinomang nanasok sa bahay ni Dagon, ay hindi itinutungtong ang paa sa tayuan ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.
6 Nguni't ang kamay ng Panginoon ay bumigat sa mga taga Asdod, at mga ipinahamak niya, at mga sinaktan ng mga bukol, sa makatuwid baga'y ang Asdod at ang mga hangganan niyaon.
7 At nang makita ng mga lalake sa Asdod na gayon, ay kanilang sinabi, Ang kaban ng Dios ng Israel ay huwag matirang kasama natin; sapagka't ang kaniyang kamay ay mabigat sa atin, at kay Dagon ating dios.
8 Sila'y nagsugo nga at nagpipisan ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo sa kanila at sinabi, Ano ang ating gagawin sa kaban ng Dios ng Israel? At sila'y sumagot, Dalhin sa Gath ang kaban ng Dios ng Israel. At kanilang dinala roon ang kaban ng Dios ng Israel.
9 At nangyari, na pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa bayan, na nagkaroon ng malaking pagkalito: at sinaktan niya ang mga tao sa bayan, ang maliit at gayon din ang malaki; at mga bukol ay sumibol sa kanila.
10 Sa gayo'y kanilang ipinadala ang kaban ng Dios sa Ecron. At nangyari, pagdating ng kaban ng Dios sa Ecron, na ang mga Ecronita ay sumigaw, na nagsasabi, Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Dios ng Israel, upang patayin tayo at ang ating bayan.
11 Pinasuguan nga nilang magpipisan ang lahat ng pangulo ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, Ipadala ninyo ang kaban ng Dios ng Israel, at ipabalik ninyo sa kaniyang sariling dako, upang huwag kaming patayin at ang aming bayan. Sapagka't nagkaroon ng panglitong ikamamatay sa buong bayan: ang kamay ng Dios ay totoong bumigat doon.
12 At ang mga lalaking hindi namatay ay nasaktan ng mga bukol; at ang daing ng bayan ay umabot sa langit.