Kabanata 16
1 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Hanggang kailan pananangisan mo si Saul yamang aking itinakuwil siya na maging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay, at ikaw ay yumaon, susuguin kita kay Isai na Bethlehemita: sapagka't ako'y naglaan sa kaniyang mga anak ng isang hari.
2 At sinabi ni Samuel, Paanong ako'y paroroon? Kung mabalitaan ni Saul, ay kaniyang papatayin ako. At sinabi ng Panginoon, Magdala ka ng isang dumalagang baka, at iyong sabihin, Ako'y naparito upang maghain sa Panginoon.
3 At tawagin mo si Isai sa paghahain at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin; at iyong papahiran sa akin yaong sa iyo'y aking sabihin.
4 At ginawa ni Samuel ang sinalita ng Panginoon at naparoon sa Bethlehem. At ang mga matanda sa bayan ay naparoon upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, Naparirito ka bang may kapayapaan?
5 At kaniyang sinabi, May kapayapaan: ako'y naparito upang maghain sa Panginoon: magpakabanal kayo at sumama kayo sa akin sa paghahain. At pinapagbanal niya si Isai at ang kaniyang mga anak, at tinawag niya sila sa paghahain.
6 At nangyari, nang sila'y dumating na siya'y tumingin kay Eliab, at nagsabi, Tunay na ang pinahiran ng Panginoon ay nasa harap niya.
7 Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
8 Nang magkagayo'y tinawag ni Isai si Abinadab, at pinaraan niya sa harap ni Samuel. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.
9 Nang magkagayo'y pinaraan ni Isai si Samma. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.
10 At pinaraan ni Isai ang pito sa kaniyang mga anak sa harap ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Isai, Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.
11 At sinabi ni Samuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak? At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa. At sinabi ni Samuel kay Isai, Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.
12 At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon. Siya nga'y may mapulang pisngi, may magandang bikas, at mabuting anyo. At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga.
13 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.
14 Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay bumagabag sa kaniya.
15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.
16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.
17At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.
18Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Bethlehemita, na bihasa sa panunugtog, at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, at ang Panginoon ay sumasa kaniya.
19Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa.
20At kumuha si Isai ng isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak.
21At dumating si David kay Saul at tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya.
22At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin.
23At nangyari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.