Kabanata 28

1 At nangyari sa mga araw na yaon, na pinisan ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo sa pakikidigma upang lumaban sa Israel. At sinabi ni Achis kay David, Talastasin mong maigi na ikaw ay lalabas na kasama ko sa hukbo, ikaw at ang inyong mga lalake.
2 At sinabi ni David kay Achis, Kaya't iyong nalalaman kung anong gagawin ng iyong lingkod. At sinabi ni Achis kay David, Kaya't gagawin kitang bantay sa aking ulo magpakailan man.
3 Si Samuel nga ay namatay, at pinanaghuyan ng buong Israel at inilibing siya sa Rama, sa makatuwid baga'y sa kaniyang sariling bayan. At pinalayas ni Saul sa lupain, yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula.
4 At nagpipisan ang mga Filisteo, at naparoon at humantong sa Sunam: at pinisan ni Saul ang buong Israel, at sila'y humantong sa Gilboa.
5 At nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot, at ang kaniyang puso ay nanginig na mainam.
6 At nang magusisa si Saul sa Panginoon, ay hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa panaginip man, ni sa Urim man, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod, Ihanap ninyo ako ng isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, upang ako'y pumaroon sa kaniya, at magusisa sa kaniya. At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya. Narito, may isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu sa Endor.
8 At hindi napakilala si Saul, at nagsuot ng ibang kasuutan, at naparoon siya at ang dalawang lalake na kasama niya, at sila'y dumating sa babae nang kinagabihan: at kaniyang sinabi, Hulaan mo ako isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng sinasanggunian mong espiritu, at iahon mo sa akin sinomang banggitin ko sa iyo.
9 At sinabi ng babae sa kaniya, Narito, iyong nalalaman ang ginawa ni Saul, kung paanong kaniyang inihiwalay yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, sa lupain: bakit nga ipinaglalagay mo ng silo ang aking buhay, upang ipapatay ako?
10 At sumumpa si Saul sa kaniya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, Buhay ang Panginoon, walang parusang mangyayari sa iyo dahil sa bagay na ito.
11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, Sinong iaahon ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Iahon mo si Samuel sa akin.
12 At nang makita ng babae si Samuel, ay sumigaw ng malakas na tinig at nagsalita ang babae kay Saul, na sinasabi, Bakit mo ako dinaya? sapagka't ikaw ay si Saul.
13 At sinabi ng hari sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't anong iyong nakikita? At sinabi ng babae kay Saul, Aking nakikita'y isang dios na lumilitaw sa lupa.
14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Ano ang kaniyang anyo? At sinabi niya, Isang matandang lalake ay lumilitaw; at siya'y nabibilot ng isang balabal. At nakilala ni Saul, na si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa, at nagbigay galang.
15 At sinabi ni Samuel kay Saul, Bakit mo binagabag ako sa aking pagahon? At sumagot si Saul, Ako'y totoong naliligalig; sapagka't ang mga Filisteo ay nangdidigma laban sa akin, at ang Dios ay humiwalay sa akin, at hindi na ako sinasagot, kahit sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man: kaya tinawag kita, upang maipakilala mo sa akin kung ano ang aking gagawin.
16 At sinabi ni Samuel, Bakit nga nagtatanong ka sa akin, dangang ang Panginoon ay humiwalay sa iyo, at naging iyong kaaway?
17At ginawa ng Panginoon ang gaya ng sinalita niya sa pamamagitan ko: at inihiwalay ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay, at ibinigay sa iyong kapuwa, sa makatuwid baga'y kay David.
18Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo ginawa ang kaniyang mabagsik na galit sa Amalec, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.
19Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel naman na kalakip mo sa kamay ng mga Filisteo: at bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay masasama sa akin: ibibigay naman ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.
20Nang magkagayo'y biglang nabulagta si Saul sa lupa, at siya'y natakot na mainam, dahil sa mga salita ni Samuel; at nawalan siya ng lakas; sapagka't hindi siya kumain ng tinapay buong araw, ni buong gabi man.
21At naparoon ang babae kay Saul at nakita na siya'y totoong bagabag, at sinabi sa kaniya, Narito, narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking dininig ang iyong mga salita na iyong sinalita sa akin.
22Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, iyong dinggin naman ang tinig ng iyong lingkod, at papaglagyin mo ako ng isang subo na tinapay sa harap mo; at iyong kanin upang ikaw ay lumakas, paglakad mo ng iyong lakad.
23Nguni't siya'y tumanggi at nagsabi, Hindi ako kakain. Nguni't ipinilit ng kaniyang mga lingkod na pati ng babae; at dininig niya ang kanilang tinig. Sa gayo'y siya'y bumangon sa lupa, ay umupo sa higaan.
24At ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay; at siya'y nagmadali, at pinatay niya; at siya'y kumuha ng harina at kaniyang minasa, at kaniyang niluto na tinapay na walang lebadura;
25At kaniyang dinala sa harap ni Saul, at sa harap ng kaniyang mga lingkod; at sila'y kumain. Nang magkagayo'y sila'y bumangon, at umalis nang gabing yaon.