Kabanata 2
1 At si Ana ay nanalangin, at nagsabi: Nagagalak ang aking puso sa Panginoon; Ang aking sungay ay pinalaki ng Panginoon; Binigyan ako ng bibig sa aking mga kaaway; Sapagka't ako'y nagagalak sa iyong pagliligtas.
2 Walang banal na gaya ng Panginoon; Sapagka't walang iba liban sa iyo, Ni may bato mang gaya ng aming Dios.
3 Huwag na kayong magsalita ng totoong kapalaluan; Huwag mabuka ang kahambugan sa inyong bibig; Sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kaalaman, At sa pamamagitan niya'y sinusukat ang mga kilos.
4 Ang mga busog ng mga makapangyarihang tao ay nasisira; At yaong nangatisod ay nabibigkisan ng kalakasan.
5 Yaong mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay; At yaong mga gutom ay hindi na gutom: Oo, ang baog ay nanganak ng pito; At yaong may maraming anak ay nanghihina.
6 Ang Panginoo'y pumapatay, at bumubuhay: Siya ang nagbababa sa Sheol, at nagsasampa.
7 Ang Panginoo'y nagpapadukha at nagpapayaman: Siya ang nagpapababa, at siya rin naman ang nagpapataas.
8 Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, Kaniyang itinataas ang mapagkailangan mula sa dumihan, Upang sila'y palukluking kasama ng mga prinsipe, At magmana ng luklukan ng kaluwalhatian: Sapagka't ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon, At kaniyang ipinatong ang sanglibutan sa kanila.
9 Kaniyang iingatan ang mga paa ng kaniyang mga banal; Nguni't ang masama ay patatahimikin sa mga kadiliman; Sapagka't sa pamamagitan ng kalakasan ay walang lalaking mananaig.
10 Yaong makipagkaalit sa Panginoon ay malalansag; Laban sa kanila'y kukulog siya mula sa langit: Ang Panginoon ang huhukom sa mga wakas ng lupa; At bibigyan niya ng kalakasan ang kaniyang hari, At palalakihin ang sungay ng kaniyang pinahiran ng langis.
11 At si Elcana ay umuwi sa Ramatha sa kaniyang bahay. At ang bata'y nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli na saserdote.
12 Ngayo'y ang mga anak ni Eli ay mga hamak na lalake; hindi nila nakikilala ang Panginoon.
13 At ang kaugalian ng mga saserdote sa bayan, ay, na pagka ang sinoma'y naghahandog ng hain, lumalapit ang bataan ng saserdote, samantalang ang laman ay niluluto, na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong ngipin;
14 At kaniyang dinuduro sa kawali, o sa kaldera, o sa kaldero, o sa palyok; at lahat ng nadadala ng pang-ipit ay kinukuha ng saserdote para sa kaniya. Gayon ang ginagawa nila sa Silo sa lahat ng mga Israelita na naparoroon.
15 Oo, bago nila sunugin ang taba, ay lumalapit ang bataan ng saserdote, at sinasabi sa lalake na naghahain, Magbigay ka ng lamang maiihaw para sa saserdote, sapagka't hindi siya tatanggap sa iyo ng lamang luto, kundi hilaw.
16 At kung sabihin ng lalake sa kaniya, Walang pagsalang kanila munang susunugin ang taba, at saka mo kunin kung gaano ang nasain ng iyong kaluluwa; kaniya ngang sinasabi, Hindi, kundi ibibigay mo sa akin ngayon: at kung hindi ay aking kukuning sapilitan.
17At ang kasalanan ng mga binatang yaon ay totoong malaki sa harap ng Panginoon; sapagka't niwawalan ng kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.
18Nguni't si Samuel ay nangangasiwa sa harap ng Panginoon, sa bagay ay bata pa, na may bigkis na isang kayong linong epod.
19Bukod sa rito'y iginagawa siya ng kaniyang ina ng isang munting balabal, at dinadala sa kaniya taon-taon, pagka siya'y umaahon na kasama ng kaniyang asawa upang maghandog ng hain sa taon-taon.
20At binasbasan ni Eli si Elcana at ang kaniyang asawa, at sinabi, Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito sa lugar ng hingi na kaniyang hiningi sa Panginoon. At sila'y umuwi sa kanilang sariling bahay.
21At dinalaw ng Panginoon si Ana, at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalake at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumalaki sa harap ng Panginoon.
22Si Eli nga ay totoong matanda na; at kaniyang nababalitaan ang lahat ng ginagawa ng kaniyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
23At sinabi niya sa kanila, Bakit ginagawa ninyo ang mga ganiyang bagay? sapagka't aking nababalitaan sa buong bayang ito ang inyong mga masamang kilos.
24Huwag, mga anak ko; sapagka't hindi mabuting balita ang aking naririnig: inyong pinasasalangsang ang bayan ng Panginoon.
25Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, ay hahatulan siya ng Dios; nguni't kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kaniya? Gayon ma'y hindi nila dininig ang tinig ng kanilang ama, sapagka't inakalang patayin sila ng Panginoon.
26At ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.
27At naparoon ang isang lalake ng Dios kay Eli, at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sangbahayan ng iyong ama, nang sila'y nasa Egipto sa pagkaalipin sa sangbahayan ni Faraon?
28At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap ko? at ibinigay ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy?
29Bakit nga kayo'y tumututol sa aking hain at sa aking handog, na aking iniutos sa aking tahanan, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak ng higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakamainam sa lahat ng mga handog ng Israel na aking bayan?
30Kaya't sinasabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Aking sinabi nga na ang iyong sangbahayan, at ang sangbahayan ng iyong ama, ay lalakad sa harap ko magpakailan man: nguni't sinasabi ngayon ng Panginoon, Malayo sa akin; sapagka't yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.
31Narito, ang mga araw ay dumarating, na aking ihihiwalay ang iyong bisig, at ang bisig ng sangbahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sangbahayan.
32At iyong mamasdan ang kadalamhatian sa aking tahanan, sa buong kayamanan na ibibigay ng Dios sa Israel; at mawawalan ng matanda sa iyong sangbahayan magpakailan man.
33At ang lalaking iyo, na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana, ay magiging upang lunusin ang iyong mga mata at papanglawin ang iyong puso; at ang madlang mararagdag sa iyong sangbahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.
34At ito ang magiging tanda sa iyo, na darating sa iyong dalawang anak, kay Ophni at kay Phinees: sa isang araw, sila'y kapuwa mamamatay.
35At ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na saserdote, na gagawa ng ayon sa nasa aking puso at nasa aking pagiisip: at ipagtatayo ko siya ng panatag na sangbahayan; at siya'y lalakad sa harap ng aking pinahiran ng langis, magpakailan man.
36At mangyayari, na bawa't isa na naiwan sa iyong sangbahayan, ay paroroon at yuyukod sa kaniya dahil sa isang putol na pilak at sa isang putol na tinapay, at magsasabi, Isinasamo ko sa iyong ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkasaserdote, upang makakain ako ng isang subong tinapay.