Kabanata 6
1 At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, Narito ngayon, ang dakong aming kinatitirahan sa harap mo ay totoong gipit sa ganang amin.
2 Isinasamo namin sa iyo na kami ay paparoonin sa Jordan, at kumuha roon ang bawa't isa ng sikang, at gumawa kami para sa amin ng isang dako roon, na aming matatahanan. At siya'y sumagot, Magsiyaon kayo.
3 At sinabi ng isa, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay matuwa, at yumaon na kasama ng iyong mga lingkod. At siya'y sumagot, Ako'y yayaon.
4 Sa gayo'y yumaon siyang kasama nila. At nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng kahoy.
5 Nguni't samantalang ang isa'y pumuputol ng isang sikang, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig: at siya'y sumigaw, at nagsabi, Sa aba ko, panginoon ko! sapagka't hiram.
6 At sinabi ng lalake ng Dios, Saan nalaglag? At itinuro niya sa kaniya ang dako. At siya'y pumutol ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.
7 At kaniyang sinabi, Kunin mo. Sa gayo'y kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha.
8 Ang hari nga sa Siria ay nakipagdigma sa Israel; at siya'y kumuhang payo sa kaniyang mga lingkod, na nagsasabi, Sa gayo't gayong dako malalagay ang aking kampamento.
9 At ang lalake ng Dios ay nagsugo sa hari sa Israel, na nagsasabi, Magingat ka na huwag dumaan sa dakong yaon; sapagka't doo'y lumulusong ang mga taga Siria.
10 At nagsugo ang hari sa Israel sa dakong isinaysay sa kaniya ng lalake ng Dios at ipinagpauna sa kaniya; at siya'y lumigtas doon, na hindi miminsan o mamakalawa.
11 At ang puso ng hari sa Siria ay nabagabag na mainam dahil sa bagay na ito; at kaniyang tinawag ang kaniyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, Hindi ba ninyo ipakikilala sa akin kung sino sa atin ang sa hari sa Israel?
12 At sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, Hindi panginoon ko, Oh hari: kundi si Eliseo, na propeta na nasa Israel, ay nagsaysay sa hari sa Israel ng mga salita na iyong sinalita sa iyong silid na tulugan.
13 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon at tingnan mo kung saan siya nandoon, upang ako'y makapagpasundo at dalhin siya. At nasaysay sa kaniya, na sinabi, Narito, siya'y nasa Dothan.
14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo at mga karo, at ng isang malaking hukbo: at sila'y naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.
15 At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?
16 At siya'y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka't ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.
17At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya'y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.
18At nang kanilang lusungin siya, ay nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang bayang ito. At kaniyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.
19At sinabi ni Eliseo sa kanila, Hindi ito ang daan, o ang bayan man: sumunod kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa lalake na inyong hinahanap. At kaniyang pinatnubayan sila hanggang sa Samaria.
20At nangyari, nang sila'y magsidating sa Samaria, na sinabi ni Eliseo, Panginoon, idilat mo ang mga mata ng mga lalaking ito, upang sila'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang kanilang mga mata, at sila'y nangakakita; at, narito, sila'y nangasa gitna ng Samaria.
21At sinabi ng hari sa Israel kay Eliseo, nang makita niya sila, Ama ko, sasaktan ko ba sila? sasaktan ko ba sila?
22At siya'y sumagot. Huwag mong sasaktan sila; sasaktan mo ba ang iyong binihag ng iyong tabak at ng iyong busog? maghain ka ng tinapay at tubig sa harap nila, upang kanilang makain at mainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.
23At ipinaghanda niya ng malaking pagkain sila: at nang sila'y makakain at makainom, kaniyang pinayaon sila, at sila'y nagsiparoon sa kanilang panginoon. At ang pulutong ng Siria ay hindi na naparoon pa sa lupain ng Israel.
24At nangyari, pagkatapos nito, na pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria, ang buo niyang hukbo, at umahon, at kinubkob ang Samaria.
25At nagkaroon ng malaking kagutom sa Samaria: at, narito, kanilang kinubkob, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay naipagbili ng walong pung putol na pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati ay ng limang putol na pilak.
26At pagdaraan sa kuta ng hari sa Israel, humiyaw ang isang babae sa kaniya, na nagsasabi, Saklolo, panginoon ko, Oh hari.
27At kaniyang sinabi, Kung hindi ka saklolohan ng Panginoon, sa ano kita sasaklolohan sa giikan ba, o sa ubasan.
28At sinabi ng hari sa kaniya, Anong nangyayari sa iyo? At siya'y sumagot, Sinabi ng babaing ito sa akin, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.
29Sa gayo'y pinakuluan namin ang anak ko, at kinain namin siya: at sinabi ko sa kaniya sa sumunod na araw, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya; at kaniyang ikinubli ang kaniyang anak.
30At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot (nagdadaan nga siya sa kuta;) at ang bayan ay tumingin, at, narito, siya'y may magaspang na damit sa loob sa kaniyang katawan.
31Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Gawing gayon ng Dios sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Saphat ay matira sa kaniya sa araw na ito.
32Nguni't si Eliseo ay nakaupo sa kaniyang bahay, at ang mga matanda ay nagsiupo na kasama niya; at ang hari ay nagsugo ng isang lalake na mula sa harap niya: nguni't bago dumating ang sugo sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa mga matanda, Hindi ba ninyo nakita kung paanong ang anak na ito ng isang mamamatay tao ay nagsugo sa akin na alisin ang aking ulo? masdan ninyo, pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at itulak ninyo ang pinto laban sa kaniya: di ba ang ingay ng mga paa ng kaniyang panginoon sa likod niya?
33At samantalang siya'y nakikipagusap sa kanila, narito, nilusong siya ng sugo: at kaniyang sinabi, Narito, ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon; bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?