Kabanata 23
1 At ang hari ay nagsugo, at pinisan nila sa kaniya ang lahat na matanda sa Juda, at sa Jerusalem.
2 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang lahat na taga Jerusalem na kasama niya, at ang mga saserdote, at ang mga propeta, at ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki: at kanilang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
3 At ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito: at ang buong bayan ay nananayo sa tipan.
4 At inutusan ng hari si Hilcias na dakilang saserdote, at ang mga saserdote sa ikalawang hanay, at ang mga tagatanod-pinto, na ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat na kasangkapan na ginawa kay Baal at sa mga Asera, at sa lahat na natatanaw sa langit; at kaniyang sinunog sa labas ng Jerusalem sa mga parang ng Cedron, at dinala ang mga abo niyaon sa Beth-el.
5 At kaniyang inalis ang mga saserdote na palasamba sa mga dios-diosan na inihalal ng mga hari sa Juda na nagpasunog ng kamangyan sa mga mataas na dako sa mga bayan ng Juda, at sa mga dakong nangasa palibot ng Jerusalem; pati silang nagsisipagsunog ng kamangyan kay Baal, sa araw, at sa buwan, at sa mga tala, at sa lahat ng natatanaw sa langit.
6 At kaniyang inilabas ang mga Asera sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem sa batis ng Cedron, at sinunog sa batis ng Cedron, at dinurog, at inihagis ang nangadurog niyaon sa libingan ng karaniwang mga tao.
7 At kaniyang ibinagsak ang mga bahay ng mga sodomita, na nangasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga tabing ng mga babae para sa mga Asera.
8 At dinala ang lahat na saserdote mula sa mga bayan ng Juda, at nilapastangan ang mga mataas na dako, sa pinagsusunugan ng kamangyan ng mga saserdote, mula sa Geba hanggang sa Beerseba; at kaniyang ibinagsak ang mga mataas na dako ng mga pintuang-bayan na nangasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng bayan, na nangasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng bayan.
9 Gayon ma'y ang mga saserdote sa mga mataas na dako ay hindi sumampa sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y nagsikain ng tinapay na walang lebadura sa gitna ng kanilang mga kapatid.
10 At kaniyang nilapastangan ang Topheth, na nasa libis ng mga anak ni Hinnom, upang huwag paraanin ng sinoman ang kaniyang anak na lalake o babae sa apoy kay Moloch.
11 At kaniyang inalis ang mga kabayo na ibinigay ng hari ng Juda sa araw, sa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa siping ng silid ni Nathan-melech na kamarero, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karo ng araw.
12 At ang mga dambana na nangasa bubungan ng silid sa itaas ni Achaz, na ginawa ng mga hari sa Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon ay ipinagbabagsak ng hari, at pinaggigiba mula roon, at inihagis ang alabok ng mga yaon sa batis ng Cedron.
13 At ang mga mataas na dako na nangasa harap ng Jerusalem, na nasa kanan ng bundok ng kapahamakan, na itinayo ng haring Salomon kay Asthareth na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Chemos na karumaldumal ng Moab, at sa kay Milcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon, ay nilapastangan ng hari.
14 At kaniyang pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at pinutol ang mga Asera, at pinuno ang kanilang mga dako ng mga buto ng tao.
15 Bukod dito'y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga'y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.
16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya'y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.
17Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao'y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.
18At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19At ang lahat na bahay naman sa mga mataas na dako na nangasa bayan ng Samaria, na ginawa ng mga hari sa Israel upang mungkahiin ang Panginoon sa galit, ay pinagaalis ni Josias, at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat na gawa na kaniyang ginawa sa Beth-el.
20At kaniyang pinatay ang lahat na saserdote sa mga mataas na dako na nangandoon, sa ibabaw ng mga dambana, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga yaon; at siya'y bumalik sa Jerusalem.
21At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.
22Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga hari man sa Juda;
23Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.
24Bukod dito'y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon.
25At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.
26Gayon ma'y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya.
27At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga'y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko'y doroon.
28Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
29Nang mga kaarawan niya, si Faraon-nechao na hari sa Egipto at umahon laban sa hari sa Asiria, sa ilog Eufrates: at ang haring Josias ay naparoon laban sa kaniya; at pinatay niya siya sa Megiddo, nang makita niya siya.
30At dinala siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo, mula sa Megiddo at dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at pinahiran ng langis siya, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama.
31Si Joachaz ay may dalawangpu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.
32At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.
33At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya'y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.
34At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni't kaniyang dinala si Joachaz; at siya'y naparoon sa Egipto, at namatay roon.
35At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni't kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa't isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.
36Si Joacim ay may dalawangpu't limang taon nang magpasimulang maghari: at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.
37At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.