Kabanata 20
1 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amos ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong bahay; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
2 Nang magkagayo'y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi,
3 Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.
4 At nangyari, bago si Isaias ay lumabas sa pinakaloob ng bayan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,
5 Bumalik ka uli, at sabihin mo kay Ezechias na pangulo ng aking bayan. Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ni David na iyong magulang, Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka: sa ikatlong araw ay sasampa ka sa bahay ng Panginoon.
6 At aking idadagdag sa iyong mga kaarawan ay labing limang taon; at aking ililigtas ka at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria; at aking ipagsasanggalang ang bayang ito dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
7 At sinabi ni Isaias, Kayo'y magsikuha ng isang binilong igos. At kinuha nila at itinapal sa bukol at siya'y gumaling.
8 At sinabi ni Ezechias kay Isaias, Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?
9 At sinabi ni Isaias, Ito ang magiging tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kaniyang sinalita: magpapauna ba ang anino ng sangpung grado, o magpapahuli ng sangpung grado?
10 At sumagot si Ezechias, Magaang bagay sa anino na kumiling ng sangpung grado: hindi, kundi pahulihin ang anino ng sangpung grado.
11 At si Isaias na propeta ay dumalangin sa Panginoon: at kaniyang pinapagpahuli ang anino ng sangpung grado, na nakababa na sa orasan ni Achaz.
12 Nang panahong yaon ay si Berodach-baladan, na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at ng kaloob kay Ezechias: sapagka't kaniyang nabalitaan na si Ezechias ay nagkasakit.
13 At dininig ni Ezechias sila, at ipinakita sa kanila ang buong bahay ng kaniyang mahalagang mga bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga espesia, at ang mahalagang langis, at ang bahay na taguan ng kaniyang sandata, at ang lahat na nasusumpungan sa mga kayamanan niya: walang anoman sa kaniyang bahay, o sa buong kaniyang sakop, na hindi ipinakita sa kanila ni Ezechias.
14 Nang magkagayo'y naparoon si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinasabi ng mga lalaking ito? at saan nagsipanggaling na napasa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsipanggaling sa malayong lupain, sa makatuwid baga'y sa Babilonia.
15 At kaniyang sinabi, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias. Lahat na nasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay na nasa aking mga kayamanan na di ko ipinakita sa kanila.
16 At sinabi ni Isaias kay Ezechias, Dinggin mo ang salita ng Panginoon.
17Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang itinago ng iyong mga magulang hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
18At ang ilan sa iyong mga anak na magmumula sa iyo na iyong ipanganganak, sila'y dadalhin; at sila'y magiging bating sa bahay ng hari sa Babilonia.
19Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi, bukod dito, Hindi ba, kung magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan?
20Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang buo niyang kapangyarihan, at kung paano niyang ginawa ang tipunan ng tubig, at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa bayan, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
21At natulog si Ezechias na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.