Kabanata 14
1 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel ay nagpasimula si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda na maghari.
2 Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Joaddan na taga Jerusalem.
3 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gayon man di gaya ni David na kaniyang magulang: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ni Joas na kaniyang ama.
4 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
5 At nangyari, pagkatatag ng kaharian sa kaniyang kamay, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.
6 Nguni't ang mga anak ng mga mamamatay tao ay hindi niya pinatay; ayon doon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.
7 Siya'y pumatay sa mga Idumeo ng sangpung libo sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela sa pakikipagdigma, at pinanganlang Jocteel, hanggang sa araw na ito.
8 Nang magkagayo'y nagsugo ng mga sugo si Amasias kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na sinasabi, Halika, tayo'y magtitigan,
9 At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang isang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.
10 Iyong tunay na sinaktan ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso: lumuwalhati ka nawa, at tumahan sa bahay: sapagka't bakit ka nakikialam sa ikasasama, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?
11 Nguni't hindi dininig ni Amasias. Sa gayo'y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya, at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.
12 At ang Juda ay napariwara sa harap ng Israel; at sila'y tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.
13 At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas na anak ni Ochozias, sa Beth-semes, at naparoon sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.
14 At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at ang lahat na kasangkapan na masumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao at bumalik sa Samaria.
15 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y lumaban kay Amasias na hari sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
16 At natulog si Joas na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
17At si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda ay nabuhay pagkamatay ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel, na labing limang taon.
18Ang iba nga sa mga gawa ni Amasias, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
19At sila'y nagsipagbanta laban sa kaniya sa Jerusalem; at siya'y tumakas sa Lachis: nguni't pinasundan nila siya sa Lachis, at pinatay siya roon.
20At dinala nila siya na nakapatong sa mga kabayo: at siya'y nalibing sa Jerusalem na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.
21At kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na may labing anim na taon, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama na si Amasias.
22Kaniyang itinayo ang Elath, at isinauli sa Juda pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kaniyang mga magulang.
23Nang ikalabing limang taon ni Amasias na Anak ni Joas na hari sa Juda, si Jeroboam na anak ni Joas na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari sa Samaria, at nagharing apat na pu't isang taon.
24At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang lahat na kasalanan ni Jeroboam na Anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
25Kaniyang isinauli ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamath hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas na anak ni Amittai, na propeta na taga Gath-hepher.
26Sapagka't nakita ng Panginoon ang kapighatian ng Israel, na totoong masaklap: sapagka't walang nakulong o naiwan sa kaluwangan man, o sinomang tumulong sa Israel.
27At hindi sinabi ng Panginoon na kaniyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kundi iniligtas nila siya sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.
28Ang iba nga sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na nangaukol sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
29At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, sa makatuwid baga'y ng mga hari sa Israel; at si Zacharias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.