Kabanata 22
1 At sila'y nagpatuloy na tatlong taon na walang pagdidigma ang Siria at ang Israel.
2 At nangyari, nang ikatlong taon, na binaba ni Josaphat na hari sa Juda ang hari sa Israel.
3 At sinabi ng hari sa Israel sa kaniyang mga lingkod, Di ba talastas ninyo na ang Ramoth-galaad ay atin, at tayo'y tatahimik, at hindi natin aagawin sa kamay ng hari sa Siria?
4 At sinabi niya kay Josaphat, Sasama ka ba sa akin sa pagbabaka sa Ramoth-galaad? At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Ako'y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.
5 At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Sumangguni ka, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon ngayon.
6 Nang magkagayo'y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta na may apat na raang lalake, at nagsabi sa kanila, Yayaon ba akong laban sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.
7 Nguni't sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makapagusisa tayo sa kaniya?
8 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon, si Micheas na anak ni Imla: nguni't kinapopootan ko siya; sapagka't hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan. At sinabi ni Josaphat: Huwag sabihing gayon ng hari.
9 Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong kawal, at nagsabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.
10 Ang hari nga sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nagsiupo kapuwa sa kanikaniyang luklukan, na nakapanamit hari sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nagsipanghula sa harap nila.
11 At si Sedechias na anak ni Chanaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria hanggang sa mangalipol.
12 At ang lahat na propeta ay nagsisipanghulang gayon, na nagsisipagsabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.
13 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya, na nagsasabi, Narito ngayon, ang mga salita ng mga propeta ay mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko sa iyo na ang iyong bibig ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.
14 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, yaon ang aking sasalitain.
15 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, paroroon ba kami sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong kami? At kaniyang isinagot sa kaniya, Ikaw ay yumaon, at guminhawa; at ibibigay ng Panginoon yaon sa kamay ng hari.
16 At sinabi ng hari sa kaniya, Makailang manunumpa ako sa iyo, na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin, kundi ng katotohanan sa pangalan ng Panginoon?
17At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito ay walang panginoon; umuwi ang bawa't lalake sa kaniyang bahay na payapa.
18At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?
19At sinabi ni Micheas, Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit ay nakatayo sa siping niya sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.
20At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita ng ganitong paraan; at ang iba'y nagsalita ng gayong paraan.
21At lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya.
22At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Paano? At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.
23Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propetang ito: at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.
24Nang magkagayo'y lumapit si Sedechias na anak ni Chanaana, at sinampal si Micheas, at sinabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin, upang magsalita sa iyo?
25At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.
26At sinabi ng hari sa Israel, Kunin mo si Micheas, at ibalik mo kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;
27At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at pakanin ninyo siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako'y dumating na payapa.
28At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.
29Sa gayo'y ang hari sa Israel, at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.
30At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako'y magpapakunwaring iba, at paroroon sa pagbabaka; nguni't ikaw ay magsuot ng iyong mga balabal-hari. At ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba, at naparoon sa pagbabaka.
31Ang hari nga ng Siria ay nagutos sa tatlong pu't dalawang punong kawal ng kaniyang mga karo, na nagsasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.
32At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo si Josaphat na kanilang sinabi, Walang pagsalang hari sa Israel; at sila'y nagsibalik upang magsilaban sa kaniya: at si Josaphat ay humiyaw.
33At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila'y humiwalay ng paghabol sa kaniya.
34At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat; kaya't kaniyang sinabi sa nagpapatakbo ng kaniyang karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka't ako'y nasugatan ng malubha.
35At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; at ang hari ay natigil sa kaniyang karo sa harap ng mga taga Siria, at namatay sa kinahapunan: at ang dugo ay bumuluwak sa sugat sa pinakaloob ng karo.
36At nagkaroon ng hiyawan sa buong hukbo sa may paglubog ng araw, na nagsasabi, Bawa't lalake ay sa kaniyang bayan, at bawa't lalake ay sa kaniyang lupain.
37Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria; at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.
38At kanilang hinugasan ang karo sa tabi ng tangke ng Samaria; at hinimuran ng mga aso ang kaniyang dugo (ang mga masamang babae nga ay nagsipaligo roon;) ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita.
39Ang iba nga sa mga gawa ni Achab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kaniyang itinayo, at ang lahat na bayan na kaniyang itinayo, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
40Sa gayo'y natulog si Achab na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
41At si Josaphat na anak ni Asa ay nagpasimulang maghari sa Juda, nang ikaapat na taon ni Achab na hari sa Israel.
42Si Josaphat ay tatlong pu't limang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silai.
43At siya'y lumakad ng buong lakad ni Asa na kaniyang ama; hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon: gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang bayan ay nagpatuloy na naghahain, at nagsusunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
44At si Josaphat ay nakipagpayapaan sa hari ng Israel.
45Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, at ang kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakidigma, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
46At ang nangalabi sa mga sodomita na nangalabi sa mga kaarawan ng kaniyang ama na si Asa, ay pinaalis niya sa lupain.
47At walang hari sa Edom: isang kinatawan ay hari.
48Si Josaphat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tharsis, upang pumaroon sa Ophir dahil sa ginto: nguni't hindi sila nagsiparoon; sapagka't ang mga sasakyan ay nangasira sa Ezion-geber.
49Nang magkagayo'y sinabi ni Ochozias na anak ni Achab kay Josaphat, Magsiyaon ang aking mga lingkod na kasama ng iyong mga lingkod sa mga sasakyan. Nguni't tumanggi si Josaphat.
50At si Josaphat ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Joram na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
51Si Ochozias na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabing pitong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at siya'y nagharing dalawang taon sa Israel.
52At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa lakad ng kaniyang ama, at sa lakad ng kaniyang ina, at sa lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel.
53At siya'y naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.