Kabanata 19
1 At sinaysay ni Achab kay Jezabel ang lahat na ginawa ni Elias, at kung paanong kaniyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.
2 Nang magkagayo'y nagsugo si Jezabel ng sugo kay Elias, na nagsasabi, Ganito ang gawin sa akin ng mga dios, at lalo na, kung hindi ko gawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila kinabukasan sa may ganitong panahon.
3 At nang makita niya ay bumangon siya, at yumaon dahil sa kaniyang buhay, at naparoon sa Beerseba, na nauukol sa Juda, at iniwan ang kaniyang lingkod doon.
4 Nguni't siya'y lumakad ng paglalakbay na isang araw sa ilang at naparoon, at umupo sa ilalim ng isang punong kahoy na enebro: at siya'y humiling sa ganang kaniya na siya'y mamatay sana, at nagsabi, Sukat na; ngayon, Oh Panginoon kunin mo ang aking buhay; sapagka't hindi ako mabuti kay sa aking mga magulang.
5 At siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punong kahoy na enebro; at, narito, kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kaniya, Ikaw ay gumising at kumain.
6 At siya'y tumingin, at, narito, na sa kaniyang ulunan ang isang munting tinapay na luto sa baga, at isang sarong tubig. At siya'y kumain at uminom, at nahiga uli.
7 At ang anghel ng Panginoon ay nagbalik na ikalawa, at kinalabit siya, at sinabi, Ikaw ay bumangon at kumain; sapagka't ang paglalakbay ay totoong malayo sa ganang iyo.
8 At siya'y bumangon, at kumain, at uminom, at siya'y yumaon sa lakas ng pagkaing yaon, na apat na pung araw at apat na pung gabi hanggang sa Horeb sa bundok ng Dios.
9 At siya'y naparoon sa isang yungib, at tumuloy roon: at, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya, Ano ang ginagawa mo rito Elias?
10 At sinabi niya, Ako'y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo; sapagka't pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta: at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang aking buhay, upang kitlin.
11 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon. At, narito, ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputolputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni't ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni't ang Panginoon ay wala sa lindol:
12 At pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni't ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.
13 At nangyari, nang marinig ni Elias, ay tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan sa yungib. At, narito, dumating ang isang tinig sa kaniya, at nagsabi, Ano ang ginagawa mo rito Elias?
14 At kaniyang sinabi, Ako'y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo: sapagka't pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta; at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang buhay ko, upang kitlin.
15 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka sa iyong lakad sa ilang ng Damasco: at pagdating mo, ay iyong pahiran ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.
16 At si Jehu na anak ni Nimsi ay iyong papahiran ng langis upang maging hari sa Israel: at si Eliseo na anak ni Saphat sa Abel-mehula ay iyong papahiran ng langis upang maging propeta na kahalili mo.
17At mangyayari na ang makatanan sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu: at ang makatanan sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.
18Gayon ma'y iiwan ko'y pitong libo sa Israel, lahat na tuhod na hindi nagsiluhod kay Baal, at lahat ng bibig na hindi nagsihalik sa kaniya.
19Sa gayo'y umalis siya roon at nasumpungan niya si Eliseo na anak ni Saphat, na nag-aararo, na may labing dalawang parehang baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabing dalawa: at dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kaniya ang balabal niya.
20At kaniyang iniwan ang mga baka, at tumakbong sinundan si Elias, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na pahagkan mo sa akin ang aking ama at aking ina, at susunod nga ako sa iyo. At sinabi niya sa kaniya, Bumalik ka uli; sapagka't ano ang ginawa ko sa iyo?
21At siya'y bumalik na mula sa pagsunod sa kaniya, at kinuha ang parehang mga baka, at pinatay ang mga yaon, at inilaga ang laman ng mga yaon sa pamamagitan ng mga kasangkapan ng mga baka, at ibinigay sa bayan, at kanilang kinain. Nang magkagayo'y tumindig siya, at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kaniya.