Kabanata 20

1 At pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria ang buong hukbo niya: at may tatlong pu't dalawang hari na kasama siya, at mga kabayo, at mga karo: at siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan yaon.
2 At siya'y nagsugo ng mga sugo kay Achab na hari sa Israel, sa loob ng bayan, at sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ben-adad,
3 Ang iyong pilak at ang iyong ginto ay akin: pati ng iyong mga asawa at ng iyong mga anak, ang mga pinaka mahusay, ay akin.
4 At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, Ayon sa iyong sabi, panginoon ko, Oh hari; ako'y iyo, at lahat ng aking tinatangkilik.
5 At ang mga sugo ay bumalik, at nagsabi, Ganito ang sinasalita ni Ben-adad na sinasabi, Ako'y tunay na nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, Iyong ibibigay sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, at ang iyong mga asawa, at ang iyong mga anak;
6 Nguni't susuguin ko sa iyo kinabukasan ang aking mga lingkod; sa may ganitong panahon, at kanilang sasaliksikin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at mangyayari, na anomang maligaya sa harap ng iyong mga mata ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at dadalhin.
7 Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat na matanda sa lupain, at sinabi, Isinasamo ko sa inyo na inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng pakikipagkaalit: sapagka't kaniyang ipinagbilin ang aking mga asawa, at aking mga anak, at aking pilak, at aking ginto; at hindi ko ipinahindi sa kaniya.
8 At sinabi sa kaniya ng lahat na matanda at ng buong bayan, Huwag mong dinggin, o tulutan man.
9 Kaya't kaniyang sinabi sa mga sugo ni Ben-adad, Saysayin ninyo sa aking panginoon na hari, Ang lahat na iyong ipinasugo sa iyong lingkod ng una ay aking gagawin: nguni't ang bagay na ito ay hindi ko magagawa. At ang mga sugo ay nagsialis at nagsipagbalik ng salita sa kaniya.
10 At si Ben-adad ay nagsugo sa kaniya, at nagsabi, Gawing gayon ng mga dios sa akin, at lalo na kung ang alabok sa Samaria ay magiging sukat na dakutin ng buong bayan na sumusunod sa akin.
11 At ang hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Saysayin ninyo sa kaniya na huwag maghambog ang nagbibigkis ng sakbat na gaya ng naghuhubad.
12 At nangyari, nang marinig ni Ben-adad ang pasugong ito, sa paraang siya'y umiinom, siya, at ang mga hari sa mga kulandong, na kaniyang sinabi sa kaniyang mga lingkod, Magsihanay kayo. At sila'y nagsihanay laban sa bayan.
13 At, narito, isang propeta ay lumapit kay Achab na hari sa Israel, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Nakita mo ba ang lubhang karamihang ito? narito, aking ibibigay sa iyong kamay sa araw na ito; at iyong makikilala na ako ang Panginoon.
14 At sinabi ni Achab, Sa pamamagitan nino? At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan. Nang magkagayo'y sinabi niya, Sino ang magpapasimula ng pagbabaka? At siya'y sumagot, Ikaw.
15 Nang magkagayo'y kaniyang hinusay ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at sila'y dalawang daan at tatlong pu't dalawa; at pagkatapos ay kaniyang pinisan ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel, na may pitong libo.
16 At sila'y nagsialis ng katanghaliang tapat. Nguni't si Ben-adad ay umiinom na lango sa mga kulandong, siya, at ang mga hari, na tatlong pu't dalawang hari na nagsisitulong sa kaniya.
17At ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan ay nagsilabas na una; at si Ben-adad ay nagsugo, at isinaysay nila sa kaniya, na sinabi, May mga taong nagsilabas na mula sa Samaria.
18At kaniyang sinabi, Maging sila'y magsilabas sa ikapapayapa, ay hulihin ninyong buhay; o maging sila'y magsilabas sa pakikidigma, ay hulihin ninyong buhay.
19Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa bayan, ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.
20At pinatay ng bawa't isa ang kanikaniyang kalabang lalake; at ang mga taga Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel; at si Ben-adad na hari sa Siria ay tumakas na nakasakay sa isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.
21At ang hari sa Israel ay lumabas, at sinaktan ang mga kabayo at mga karo, at pinatay ang mga taga Siria ng malaking pagpatay.
22At ang propeta ay lumapit sa hari sa Israel, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magpakalakas ka, at iyong tandaan, at tingnan mo kung ano ang iyong ginagawa; sapagka't sa pagpihit ng taon ay aahon ang hari sa Siria laban sa iyo.
23At sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kaniya, Ang kanilang dios ay dios sa mga burol; kaya't sila'y nagsipanaig sa atin: nguni't magsilaban tayo laban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila.
24At gawin mo ang bagay na ito; alisin mo ang mga hari sa kanikaniyang kalagayan, at maglagay ka ng mga punong kawal na kahalili nila:
25At bumilang ka sa iyo ng isang hukbo, na gaya ng hukbo na iyong ipinahamak, kabayo kung kabayo, at karo kung karo: at tayo'y magsisilaban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila. At kaniyang dininig ang kanilang tinig at ginawang gayon.
26At nangyari, sa pagpihit ng taon, na hinusay ni Ben-adad ang mga taga Siria at umahon sa Aphec upang lumaban sa Israel.
27At ang mga anak ng Israel ay nangaghusay rin, at nangagbaon, at nagsiyaon laban sa kanila: at ang mga anak ng Israel ay humantong sa harap nila na wari dalawang munting kawang anak ng kambing; nguni't linaganapan ng mga taga Siria ang lupain.
28At isang lalake ng Dios ay lumapit at nagsalita sa hari ng Israel at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka't sinabi ng mga taga Siria, Ang Panginoon ay dios sa mga burol, nguni't hindi siya dios sa mga libis: kaya't aking ibibigay ang buong malaking karamihang ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
29At sila'y humantong na ang isa ay tapat sa isa na pitong araw. At nagkagayon, nang sa ikapitong araw, ay sinimulan ang pagbabaka; at ang mga anak ni Israel ay nagsipatay sa mga taga Siria ng isang daang libong nangaglalakad sa isang araw.
30Nguni't ang nangatira ay nagsitakas sa Aphec sa loob ng bayan; at ang kuta ay nabuwal sa dalawang pu't pitong libong lalake na nangatira. At si Ben-adad ay tumakas at pumasok sa bayan, sa isang silid na pinakaloob.
31At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Narito, ngayon, aming narinig na ang mga hari sa sangbahayan ng Israel ay maawaing mga hari: isinasamo namin sa iyo na kami ay papagbigkisin ng magaspang na kayo sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at labasin namin ang hari ng Israel: marahil, kaniyang ililigtas ang iyong buhay.
32Sa gayo'y nagsipagbigkis sila ng magaspang na kayo sa kanilang mga balakang, at mga lubid sa kanilang mga leeg, at nagsiparoon sa hari ng Israel, at nagsipagsabi, Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-adad, Isinasamo ko sa iyo, na tulutan mong ako'y mabuhay. At sinabi niya, Siya ba'y buhay pa? siya'y aking kapatid.
33Minatyagan ngang maingat ng mga lalake, at nagsipagmadaling hinuli kung sa ano nandoon ang kaniyang pagiisip: at kanilang sinabi, Ang iyong kapatid na si Ben-adad. Nang magkagayo'y sinabi niya, Kayo'y magsiyaon, dalhin ninyo siya sa akin. Nang magkagayo'y nilabas siya ni Ben-adad; at kaniyang pinasampa sa karo.
34At sinabi ni Ben-adad sa kaniya, Ang mga bayan na sinakop ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at ikaw ay gagawa sa ganang iyo ng mga lansangan sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria. At ako, sabi ni Achab, payayaunin kita sa tipang ito. Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kaniya, at pinayaon niya siya.
35At isang lalake sa mga anak ng mga propeta ay nagsabi sa kaniyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At tumanggi ang lalake na saktan niya.
36Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, narito, pagkahiwalay mo sa akin, ay papatayin ka ng isang leon. At pagkahiwalay niya sa kaniya, ay nasumpungan siya ng isang leon, at pinatay siya.
37Nang magkagayo'y nakasumpong siya ng isang lalake, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At sinaktan siya ng lalake, na sinaktan at sinugatan siya.
38Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagpakunwari na may isang piring sa kaniyang mga mata.
39At pagdadaan ng hari ay kaniyang sinigawan ang hari: at kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay lumabas sa gitna ng pagbabaka; at, narito, isang lalake ay lumihis, at nagdala ng isang lalake sa akin, at nagsabi, Ingatan mo ang lalaking ito: kung sa anomang paraan ay makatanan siya, ang iyo ngang buhay ang mapapalit sa kaniyang buhay, o magbabayad ka kaya ng isang talentong pilak.
40At sa paraang ang iyong lingkod ay may ginagawa rito at doon, siya'y nakaalis. At sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, Magiging ganyan ang iyong kahatulan: ikaw rin ang magpasiya.
41At siya'y nagmadali, at inalis niya ang piring sa kaniyang mga mata; at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.
42At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka't iyong pinabayaang makatanan sa iyong kamay ang lalake na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kaniyang buhay, at ang iyong bayan ng kaniyang bayan.
43At ang hari ng Israel ay umuwi sa kaniyang bahay na yamot at lunos at, naparoon sa Samaria.