Kabanata 13
1 At, narito, dumating ang isang lalake ng Dios na mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Beth-el: at si Jeroboam ay nakatayo sa siping ng dambana upang magsunog ng kamangyan.
2 At siya'y sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, at nagsabi, Oh dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, isang bata'y ipanganganak sa sangbahayan ni David na ang pangalan ay Josias: at sa iyo'y ihahain ang mga saserdote ng mga mataas na dako na nagsisipagsunog ng kamangyan sa iyo, at mga buto ng mga tao ang kanilang susunugin sa iyo.
3 At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding yaon, na nagsasabi, Ito ang tanda na sinalita ng Panginoon: Narito, ang dambana ay mababaak, at ang mga abo na nasa ibabaw ay mabubuhos.
4 At nangyari, nang marinig ng hari ang sabi ng lalake ng Dios, na kaniyang isinigaw laban sa dambana sa Beth-el, na iniunat ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa dambana, na sinasabi, Hulihin siya. At ang kaniyang kamay na kaniyang iniunat laban sa kaniya ay natuyo, na anopa't hindi niya napanauli sa dati.
5 Ang dambana naman ay nabaak, at ang mga abo ay nabuhos mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng lalake ng Dios ayon sa salita ng Panginoon.
6 At ang hari ay sumagot, at nagsabi sa lalake ng Dios, Isamo mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Dios, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay gumaling. At idinalangin ng lalake ng Dios sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay gumaling uli, at naging gaya ng dati.
7 At sinabi ng hari sa lalake ng Dios, Umuwi kang kasama ko, at kumain ka, at bibigyan kita ng kagantihan.
8 At sinabi ng lalake ng Dios sa hari, Kung ang ibibigay mo sa akin ay kalahati ng iyong bahay ay hindi ako yayaong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito:
9 Sapagka't gayon ibinilin sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na sinasabi, Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.
10 Sa gayo'y yumaon siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kaniyang pinanggalingan sa Beth-el.
11 Tumatahan nga ang isang matandang propeta sa Beth-el; at isa sa kaniyang mga anak ay naparoon, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng mga gawa na ginawa ng lalake ng Dios sa araw na yaon sa Beth-el: ang mga salita na kaniyang sinalita sa hari, ay siya ring isinaysay nila sa kanilang ama.
12 At sinabi ng kanilang ama sa kanila, Saan siya napatungo? At itinuro sa kaniya ng kaniyang mga anak ang daang pinatunguhan ng lalake ng Dios na nanggaling sa Juda.
13 At sinabi niya sa kaniyang mga anak, Siyahan ninyo sa akin ang asno. Sa gayo'y kanilang siniyahan ang asno sa kaniya: at kaniyang sinakyan.
14 At kaniyang sinundan ang lalake ng Dios, at nasumpungan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng encina: at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ang lalake ng Dios na nanggaling sa Juda? At sinabi niya, Ako nga.
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Umuwi kang kasama ko, at kumain ng tinapay.
16 At sinabi niya, Hindi ako makababalik na kasama mo, o makapapasok na kasama mo: ni makakakain man ng tinapay o makaiinom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito:
17Sapagka't isinaysay sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon. Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man na yumaon sa daan na iyong pinanggalingan.
18At sinabi niya sa kaniya, Ako man ay propeta na gaya mo; at isang anghel ay nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na nagsasabi, Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig. Nguni't siya'y nagbulaan sa kaniya.
19Sa gayo'y bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kaniyang bahay at uminom ng tubig.
20At nangyari, samantalang sila'y nauupo sa dulang, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kaniya:
21At siya'y sumigaw sa lalake ng Dios na nanggaling sa Juda, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa paraang ikaw ay naging manunuway sa bibig ng Panginoon, at hindi mo iningatan ang utos na iniutos ng Panginoon sa iyo,
22Kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kaniyang pinagsabihan sa iyo: Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig; ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga magulang.
23At nangyari, pagkatapos na makakain ng tinapay, at pagkatapos na makainom, na siniyahan niya ang asno para sa kaniya, sa makatuwid baga'y, para sa propeta na kaniyang pinabalik.
24At nang siya'y makayaon, isang leon ay nasalubong niya sa daan, at pinatay siya: at ang kaniyang bangkay ay napahagis sa daan, at ang asno ay nakatayo sa siping; ang leon naman ay nakatayo sa siping ng bangkay.
25At, narito, may mga taong nagsipagdaan, at nakita ang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon ay nakatayo sa siping ng bangkay: at sila'y yumaon at isinaysay nila sa bayan na kinatatahanan ng matandang propeta.
26At nang marinig ng propeta na nagpabalik sa kaniya sa daan, sinabi niya: Lalake nga ng Dios, na naging masuwayin sa bibig ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon, na lumapa sa kaniya at pumatay sa kaniya ayon sa salita ng Panginoon, na sinalita sa kaniya.
27At sinalita niya sa kaniyang mga anak na sinasabi, Siyahan ninyo sa akin ang asno. At kanilang siniyahan.
28At siya'y yumaon, at nasumpungan ang kaniyang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa siping ng bangkay: hindi nilamon ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.
29At kinuha ng propeta ang bangkay ng lalake ng Dios, at ipinatong sa asno, at ibinalik: at naparoon sa bayan ng matandang propeta, upang tumangis, at ilibing siya.
30At inilagay niya ang kaniyang bangkay sa kaniyang sariling libingan; at kanilang tinangisan siya, na sinasabi, Ay kapatid ko!
31At nangyari, pagkatapos na kaniyang mailibing, na siya'y nagsalita sa kaniyang mga anak, na sinasabi, Pagka ako'y namatay, ilibing nga ninyo ako sa libingan na pinaglibingan sa lalake ng Dios: ilagay ninyo ang aking mga buto sa siping ng kaniyang mga buto.
32Sapagka't ang sabi na kaniyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Beth-el, at laban sa lahat ng mga bahay sa mga mataas na dako na nangasa mga bayan ng Samaria, ay walang pagsalang mangyayari.
33Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kaniyang masamang lakad, kundi gumawa uli mula sa buong bayan ng mga saserdote sa mga mataas na dako: sinomang may ibig, kaniyang itinatalaga upang magkaroon ng mga saserdote sa mga mataas na dako.
34At ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sangbahayan ni Jeroboam, kaya't inihiwalay at nilipol sa ibabaw ng lupa.