Kabanata 34
1 At sumampa si Moises mula sa mga kapatagan ng Moab sa bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At itinuro ng Panginoon ang buong lupain ng Galaad hanggang sa Dan,
2 At ang buong Nephtali at ang lupain ng Ephraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat kalunuran,
3 At ang Timugan at ang Kapatagan ng libis ng Jerico na bayan ng mga puno ng palma hanggang sa Soar.
4 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ito ang lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na sinasabi, Aking ibibigay sa iyong binhi: aking pinatingnan sa iyo ng iyong mga mata, nguni't hindi ka daraan doon.
5 Sa gayo'y si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay roon sa lupain ng Moab ayon sa salita ng Panginoon.
6 At kaniyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Beth-peor; nguni't sinomang tao ay hindi nakaaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito.
7 At si Moises ay may isang daan at dalawang pung taong gulang nang siya'y mamatay: ang kaniyang mata'y hindi lumabo, ni ang kaniyang talagang lakas ay humina.
8 At iniyakan ng mga anak ni Israel si Moises sa mga kapatagan ng Moab, na tatlong pung araw: sa gayon, natapos ang mga araw ng pagtangis sa pagluluksa kay Moises.
9 At si Josue na anak ni Nun ay napuspos ng diwa ng karunungan: sapagka't ipinatong ni Moises ang kaniyang mga kamay sa kaniya; at dininig siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 At wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng Panginoon sa mukhaan,
11 Sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghan na iniutos ng Panginoon gawin sa lupain ng Egipto kay Faraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, at sa kaniyang buong lupain,
12 At sa buong makapangyarihang kamay at sa buong dakilang kakilabutan, na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.