Kabanata 12
1 Ito ang mga palatuntunan at mga kahatulan na inyong isasagawa sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang upang ariin, sa lahat ng mga araw na inyong ikabubuhay sa ibabaw ng lupa.
2 Tunay na gigibain ninyo ang lahat ng mga dako, na pinaglilingkuran sa kanilang dios ng mga bansang inyong aariin, sa ibabaw ng matataas na bundok, at sa ibabaw ng mga burol, at sa lilim ng bawa't punong kahoy na sariwa:
3 At iyong iwawasak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputol-putulin ang kanilang mga haliging pinakaalaala, at susunugin ang kanilang mga Asera sa apoy; at inyong ibubuwal ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios; at inyong papawiin ang kanilang pangalan sa dakong yaon.
4 Huwag kayong gagawa ng ganito sa Panginoon ninyong Dios.
5 Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kaniyang pangalan, sa makatuwid baga'y sa kaniyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon:
6 At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, at ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan:
7 At doon kayo kakain sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y mangagagalak sa lahat na kalagyan ng inyong kamay, kayo at ang inyong mga sangbahayan kung saan ka pinagpala ng Panginoon mong Dios.
8 Huwag ninyong gagawin ang ayon sa lahat ng mga bagay na ating ginagawa dito sa araw na ito, na ang magalingin ng bawa't isa sa kaniyang paningin;
9 Sapagka't hindi pa kayo nakararating sa kapahingahan at sa mana, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon ninyong Dios.
10 Datapuwa't pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtahan sa lupain na ipinamamana sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, na ano pa't kayo'y tumahang tiwasay;
11 Ay mangyayari nga, na ang dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking iniuutos sa inyo; ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong piling panata na inyong ipinananata sa Panginoon:
12 At kayo'y magagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, kayo at ang inyong mga anak na lalake at babae, at ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga pintuang-daan, sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama ninyo.
13 Magingat ka na huwag mong ihahandog ang iyong handog na susunugin sa alinmang dakong iyong makikita:
14 Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon sa isa sa iyong mga lipi ay doon mo ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo.
15 Gayon ma'y makapapatay ka at makakakain ka ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa ng iyong kaluluwa, ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Dios na kaniyang ibinigay sa iyo: ang marumi at ang malinis ay makakakain niyaon, gaya ng maliit na usa, at gaya ng malaking usa.
16 Huwag lamang ninyong kakanin ang dugo; iyong ibubuhos sa lupa na parang tubig.
17Hindi mo makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, o ng iyong alak, o ng iyong langis, o ng mga panganay sa iyong bakahan o sa iyong kawan, ni anoman sa iyong mga panata na iyong ipananata, ni ang iyong mga kusang handog, ni ang handog na itataas ng iyong kamay:
18Kundi iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, kakanin mo, at ng iyong anak na lalake at babae, at ng iyong aliping lalake at babae, at ng Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan: at kagagalakan mo sa harap ng Panginoon mong Dios, ang lahat ng kalagyan ng iyong kamay.
19Ingatan mong huwag mong pabayaan ang Levita samantalang nabubuhay ka sa iyong lupain.
20Pagka palalakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan, gaya ng kaniyang ipinangako sa iyo, at iyong sasabihin, Ako'y kakain ng karne, sapagka't nasa mong kumain ng karne; ay makakakain ka ng karne, ayon sa buong nasa mo.
21Kung ang dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na paglalagyan ng kaniyang pangalan ay totoong malayo sa iyo, ay papatay ka nga sa iyong bakahan at sa iyong kawan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon, gaya ng iniutos ko sa iyo, at makakakain ka sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa mo.
22Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon.
23Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.
24Huwag mong kakanin yaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.
25Huwag mong kakanin yaon; upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
26Ang iyo lamang mga itinalagang bagay na tinatangkilik mo, at ang iyong mga panata, ang iyong dadalhin, at yayaon ka sa dakong pipiliin ng Panginoon:
27At iyong ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, ang laman at ang dugo, sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Dios: at ang dugo ng iyong mga hain ay ibubuhos sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Dios; at iyong kakanin ang karne.
28Iyong sundin at dinggin ang lahat ng mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo, upang magpakailan man ay ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, pagka iyong ginawa ang mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon mong Dios.
29Pagka naihiwalay ng Panginoon mong Dios sa harap mo, ang mga bansa na iyong pinapasok upang ariin, at iyong halinhan sila, at nakatahan ka sa kanilang lupain,
30Ay magingat ka na huwag masilong sumunod sa kanila, pagkatapos na sila'y malipol sa harap mo; at huwag kang magusisa ng tungkol sa kanilang mga dios, na magsabi, Paanong naglilingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga dios? na gayon din ang gagawin ko.
31Huwag mong gagawing gayon sa Panginoon mong Dios: sapagka't bawa't karumaldumal sa Panginoon, na kaniyang kinapopootan, ay kanilang ginagawa sa kanilang mga dios; sapagka't pati ng kanilang mga anak na lalake at babae ay kanilang sinusunog sa apoy sa kanilang mga dios.
32Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.