Kabanata 15
1 Sa katapusan ng bawa't pitong taon ay magpapatawad ka ng iyong mga pautang.
2 At ito ang paraan ng pagpapatawad: bawa't may pautang ay magpapatawad ng kaniyang ipinautang sa kaniyang kapuwa; huwag niyang sisingilin sa kaniyang kapuwa, at sa kaniyang kapatid; sapagka't ang pagpapatawad ng Panginoon ay ipinahayag.
3 Sa isang taga ibang lupa ay iyong masisingil; nguni't anomang tinatangkilik mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad ng iyong kamay.
4 Nguni't hindi magkakadukha sa iyo (sapagka't pagpapalain ka nga ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang iyong ariin),
5 Kung iyong didinggin lamang na masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isagawa ang buong utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
6 Sapagka't pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios, na gaya ng ipinangako niya sa iyo: at ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, nguni't hindi ka mangungutang; at ikaw ay magpupuno sa maraming bansa, nguni't hindi ka nila pagpupunuan.
7 Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan sa iyong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid:
8 Kundi iyo ngang bubukhin ang iyong kamay sa kaniya, at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kaniyang kailangan sa kaniyang kinakailangan.
9 Pagingatan mong huwag magkaroon ng masamang pagiisip sa iyong puso, na iyong sabihin, Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad, ay malapit na; at ang iyong mata'y magmasama laban sa iyong dukhang kapatid at hindi mo siya bigyan; at siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo, at maging kasalanan sa iyo.
10 Siya nga'y bibigyan mo, at ang iyong puso'y huwag magdamdam pagka binibigyan mo siya; sapagka't dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay.
11 Sapagka't hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya't aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, Bubukhin mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.
12 Kung ang iyong kapatid, na Hebreong lalake o babae, ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyong anim na taon; sa ikapitong taon nga ay iyong papagpapaalaming laya sa iyo.
13 At pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo, ay huwag mo siyang papagpapaalaming walang dala:
14 Iyo siyang papagbabaunin na may kasaganaan ng bunga ng iyong kawan, at ng iyong giikan, at ng iyong pisaan ng ubas, kung paano ang ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay bibigyan mo siya.
15 At iyong aalalahanin na ikaw ay alipin sa lupain ng Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Dios: kaya't iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito.
16 At mangyayari, na kung sabihin niya sa iyo, Hindi ako aalis sa iyo; sapagka't iniibig ka niya at ang iyong bahay, sapagka't kinalulugdan mo siya;
17At kukuha ka nga ng isang pangbutas at ibutas mo sa kaniyang tainga sa pintuan, at siya'y magiging iyong alipin magpakailan man. At sa iyong aliping babae man ay gayon din ang iyong gagawin.
18Huwag mong mamabigatin, pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo: sapagka't ibayo ng kaupahang magpapaupa ang kaniyang ipinaglingkod sa iyo sa anim na taon: at pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong ginagawa.
19Lahat ng panganay na lalake na ipinanganak sa iyong bakahan, at sa iyong kawan ay iyong itatalaga sa Panginoon mong Dios: huwag mong pagagawin ang panganay ng iyong baka, ni huwag mong gugupitan ang panganay ng iyong kawan.
20Iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios taontaon sa dakong pipiliin ng Panginoon, kakanin mo, at ng iyong mga sangbahayan.
21At kung may anomang kapintasan, na pilay o bulag, anomang masamang kapintasan, ay huwag mong ihahain sa Panginoon mong Dios.
22Iyong kakanin sa loob ng iyong mga pintuang-daan: ang marumi at ang malinis ay kapuwa kakain, na gaya ng maliit na usa at gaya ng malaking usa.
23Huwag mo lamang kakanin ang dugo niyaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.