Kabanata 20
1 Pagka ikaw ay lalabas upang makibaka laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, at mga karo, at ng isang bayang higit kay sa iyo, ay huwag kang matatakot sa kanila: sapagka't ang Panginoon mong Dios ay sumasaiyo, na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto.
2 At mangyayari paglapit ninyo sa pakikibaka, na ang saserdote ay lalapit at magsasalita sa bayan.
3 At magsasabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikibaka laban sa inyong mga kaaway: huwag manglupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila.
4 Sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay siyang yumayaong kasama ninyo, upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y iligtas.
5 At ang mga pinuno ay magsasalita sa bayan, na sasabihin, Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya natatalagahan? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka at ibang tao ang magtalaga.
6 At sinong lalake ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyaon? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka at ibang lalake ang makinabang ng bunga niyaon.
7 At sinong lalake ang nagasawa sa isang babae at di pa niya nakukuha? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka, at ibang lalake ang kumuha sa kaniyang asawa.
8 At muling magsasalita ang mga puno sa bayan, at kanilang sasabihin, Sinong lalake ang matatakutin at mahinang loob? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka ang puso ng kaniyang mga kapatid ay manglupaypay na gaya ng kaniyang puso.
9 At mangyayari, pagka ang mga pinuno ay natapos nang makapanalita sa bayan, na sila'y maghahalal ng mga kapitan ng mga hukbo sa unahan ng bayan.
10 Pagka ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban, ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.
11 At mangyayari, na kung sagutin ka ng kapayapaan, at pagbuksan ka, ay mangyayari nga, na ang buong bayang masusumpungan sa loob ay magiging sakop mo, at maglilingkod sa iyo.
12 At kung ayaw makipagpayapaan sa iyo, kundi makikipagbaka laban sa iyo, ay kukubkubin mo nga siya:
13 At pagka ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyong kamay ay iyong susugatan ang bawa't lalake niyaon ng talim ng tabak:
14 Nguni't ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga hayop, at ang buong nasa bayan, pati ng buong nasamsam doon, ay kukunin mong pinakasamsam; at kakanin mo ang samsam sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
15 Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang totoong malayo sa iyo, na hindi sa mga bayan ng mga bansang ito.
16 Nguni't sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihinga:
17Kundi iyong lilipulin sila; ang Hetheo, at ang Amorrheo, ang Cananeo, at ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo; gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.
18Upang huwag kayong turuan nilang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal, na kanilang ginawa sa kanilang mga dios; na anopa't kayo'y magkasala laban sa Panginoon ninyong Dios.
19Pagka iyong kukubkubing mahabang panahon ang isang bayan sa pakikibaka upang sakupin, ay huwag mong sisirain ang mga punong kahoy niyaon, na pagbubuhatan ng palakol; sapagka't makakain mo, at huwag mong ipagbububuwal; sapagka't tao ba ang kahoy sa parang na kukubkubin mo?
20Ang mga punong kahoy lamang na iyong kilala na hindi mga kahoy na nakakain, ang iyong sisirain at ibubuwal; at iyong itatayong mga kuta laban sa bayang nakikibaka sa iyo, hanggang sa maibuwal mo.