Kabanata 4
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinoman ay magkakasala ng hindi sinasadya sa alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at gagawin ng sinoman sa kanila;
3 Kung ang pinahirang saserdote ang magkasala ng gayon na magdala ng sala sa bayan, ay maghahandog nga siya sa Panginoon dahil sa kaniyang kasalanan na ipinagkasala, ng isang guyang toro, na walang kapintasan, na pinakahandog dahil sa kasalanan.
4 At dadalhin niya ang toro sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng Panginoon: at ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon.
5 At ang pinahiran ng langis na saserdote ay kukuha ng dugo ng toro, at dadalhin sa tabernakulo ng kapisanan:
6 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at magwiwisik na makapito ng dugo sa harap ng Panginoon, sa tapat ng tabing ng santuario.
7 At ang saserdote ay maglalagay ng dugong yaon sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana ng mabangong kamangyan sa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan: at lahat ng dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
8 At aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog dahil sa kasalanan; ang tabang nakakatakip sa lamang loob, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob,
9 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin na kalakip ng mga bato,
10 Na gaya ng pagaalis ng sa toro na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambanang pagsusunugan ng handog.
11 At ang balat ng toro at ang buong laman pati ng ulo at ng mga hita, at ng lamang loob, at ng dumi,
12 Sa makatuwid baga'y ang buong toro ay ilalabas niya sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis, na pinagtatapunan ng mga abo, at doon susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy: sa pinagtatapunan ng mga abo susunugin yaon.
13 At kung ang buong kapisanan ng Israel ay magkasala, at ang bagay ay malihim sa mga mata ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng anoman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at naging salarin;
14 Pagka nakilala ang kasalanan ng kanilang ipinagkasala, ay maghahandog nga ang kapisanan ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan, at dadalhin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan.
15 At ipapatong ng mga matanda ng kapulungan, ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harap ng Panginoon: at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon.
16 At ang saserdoteng pinahiran ng langis ay magdadala ng dugo ng toro sa tabernakulo ng kapisanan:
17At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at iwiwisik na makapito sa harap ng Panginoon, sa harap ng tabing.
18At maglalagay siya ng dugo sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana na nasa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
19At aalisin niya ang lahat ng taba niyaon, at susunugin niya sa ibabaw ng dambana.
20Gayon ang gagawin niya sa toro; kung paano ang ginawa niya sa torong handog dahil sa kasalanan, ay gayon gagawin niya rito: at itutubos sa kanila ng saserdote, at patatawarin sila.
21At ilalabas niya ang toro sa kampamento, at susunugin niya, na gaya ng pagkasunog sa unang toro: handog nga dahil sa kasalanan ng kapisanan.
22Pagka ang isang pinuno ay nagkasala, at nakagawa ng hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Dios na huwag gawin, at siya'y naging salarin;
23Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang ipinagkasala, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang lalaking kambing na walang kapintasan;
24At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin sa harap ng Panginoon: handog nga dahil sa kasalanan.
25At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog.
26At ang lahat ng taba niyaon ay susunugin niya sa dambana, na gaya ng taba ng hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan, at siya'y patatawarin.
27At kung ang sinomang karaniwang tao sa bayan ay magkasala ng hindi sinasadya, sa paggawa sa alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at maging makasalanan;
28Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang pinagkasalahan, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang babaing kambing na walang kapintasan, na dahil sa kaniyang kasalanang pinagkasalahan niya.
29At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin ang handog dahil sa kasalanan sa lagayan ng pagsusunugan ng handog.
30At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo niyaon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
31At ang lahat ng taba niyaon ay kaniyang aalisin, na gaya ng pagaalis ng taba sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y patatawarin.
32At kung kordero ang kaniyang dalhing pinakaalay na bilang handog dahil sa kasalanan, ay babaing walang kapintasan ang dadalhin niya.
33At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pinagpapatayan ng handog na susunugin.
34At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana:
35At ang lahat ng taba ay kaniyang aalisin, gaya ng pagkaalis ng taba sa kordero na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan; at siya'y patatawarin.