Kabanata 2
1 At pagka ang sinoman ay maghahandog sa Panginoon ng alay na handog na harina, ay mainam na harina ang kaniyang iaalay; at kaniyang bubuhusan ng langis, at lalagyan ng kamangyan:
2 At dadalhin niya sa mga saserdote, na mga anak ni Aaron; at siya'y kukuha ng isang dakot na mainam na harina at ng langis, sangpu ng buong kamangyan niyaon. At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakaalaala, na isang handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon:
3 At ang kalabisan sa handog na harina ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak: kabanalbanalang bagay nga sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
4 At pagka ikaw ay maghahandog ng alay na handog na harina na luto sa hurno, ay mga munting tinapay na walang lebadura ang iaalay mo na mainam na harina, na hinaluan ng langis, o mga manipis na tinapay na walang lebadura, na hinaluan ng langis.
5 At kung ang iyong alay ay handog na harina, na luto sa kawali, ay mainam na harina ang iaalay mo na walang lebadura, na hinaluan ng langis.
6 Iyong pagpuputolputulin, at bubuhusan mo ng langis: isa ngang handog na harina.
7 At kung ang iyong alay ay handog na harina na luto sa kawaling bakal, ay yari sa mainam na harina na may langis ang iaalay mo.
8 At dadalhin mo sa Panginoon ang handog na harina na yari sa mga bagay na ito: at ihaharap sa saserdote at dadalhin niya sa dambana.
9 At kukuha ang saserdote ng handog na harina, na pinakaalaala rin niyaon, at susunugin sa ibabaw ng dambana: handog ngang pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
10 At ang kalabisan sa handog na harina ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak; kabanalbanalang bagay nga sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
11 Walang handog na harina na ihahandog kayo sa Panginoon, na magkakalebadura: sapagka't huwag kayong magsusunog ng anomang lebadura ni ng anomang pulot na pinaka handog, sa Panginoon, na pinaraan sa apoy.
12 Bilang pinakaalay na mga pangunang bunga ihahandog ninyo sa Panginoon: nguni't hindi sasampa sa dambana na parang masarap na amoy.
13 At titimplahan mo ng asin ang lahat ng alay na iyong handog na harina, ni huwag mong titiising magkulang sa iyong handog na harina ng asin ng tipan ng iyong Dios: lahat ng alay mo'y ihahandog mong may asin.
14 At kung maghahandog ka sa Panginoon ng handog na harina na pangunang bunga, ay ihahandog mong pinakahandog na harina ng iyong pangunang bunga ay sinangag sa apoy, mga murang butil na pinipi.
15 At bubuhusan mo ng langis yaon, at lalagyan mo sa ibabaw ng kamangyan: yaon nga'y handog na harina.
16 At susunugin ng saserdote na nakaalaala niyaon, ang bahagi ng butil na pinipi at ang bahagi ng langis, pati ng buong kamangyan niyaon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.