Kabanata 21

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, at sabihin mo sa kanila, Sinoman ay huwag magpakahawa ng dahil sa patay, sa gitna ng kaniyang bayan,
2 Maliban sa kamaganak na malapit, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama at sa kaniyang anak na lalake at babae, at sa kaniyang kapatid na lalake,
3 At sa kaniyang kapatid na dalaga, na malapit sa kaniya, na walang asawa, ay maaring magpakahawa siya.
4 Yamang puno sa kaniyang bayan, ay huwag siyang magpapakahawa na magpapakarumi.
5 Huwag nilang kakalbuhin ang kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o kukudlitan man ang kanilang laman.
6 Sila'y magpakabanal sa kanilang Dios, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Dios: sapagka't sila ang naghahandog ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Dios, kaya't sila'y magpapakabanal.
7 Huwag silang makikisama sa patutot o lapastangan, ni makikisama sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa: sapagka't ang saserdote ay banal sa kaniyang Dios.
8 Papagbabanalin mo nga siya; sapagka't siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Dios: siya'y magiging banal sa inyo; sapagka't akong Panginoon nagpapaging banal sa inyo ay banal.
9 At kung ang anak na babae ng isang saserdote ay magpakarumi sa pagpapatutot, ay kaniyang binigyan ng kahihiyan ang kaniyang ama: siya'y susunugin sa apoy.
10 At ang pangulong saserdote sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ang ulo ng langis na pang-pahid, at itinalaga, upang makapagbihis ng mga banal na bihisan ay huwag maglulugay ng buhok ng kaniyang ulo ni huwag hahapakin ang kaniyang mga suot;
11 Ni papasok sa kinaroroonan ng bangkay nino man, ni magpapakahawa dahil sa kaniyang ama, o dahil sa kaniyang ina;
12 Ni lalabas sa santuario, ni lalapastanganin ang santuario ng kaniyang Dios; sapagka't ang talaga na langis na pang-pahid ng kaniyang Dios ay nasa ulo niya: ako ang Panginoon.
13 At siya'y magaasawa sa isang dalagang malinis.
14 Sa bao o inihiwalay, sa lamas o patutot ay huwag siyang magaasawa; kundi sa isang dalagang malinis sa kaniyang sariling bayan magaasawa siya.
15 At huwag niyang dudumhan ang kaniyang mga binhi sa gitna ng kaniyang bayan: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kaniya.
16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17Iyong salitain kay Aaron, na iyong sasabihin, Sinoman sa iyong mga binhi, sa buong panahon ng kaniyang lahi, na magkaroon ng anomang kapintasan, ay huwag lumapit na maghandog ng tinapay ng kaniyang Dios.
18Sapagka't sinomang magkaroon ng kapintasan ay huwag lalapit; maging ang taong bulag, o pilay, o magkaroon ng ilong na ungod, o ang mayroong kuntil,
19O ang taong magkaroon ng paang bali o kamay na bali,
20O taong kuba, o unano, o magkaroon ng kapintasan sa kaniyang mata, o galisin, o langibin, o luslusin:
21Walang tao sa binhi ni Aaron na saserdote, na magkaroon ng kapintasan, na lalapit upang magharap ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit na magharap ng tinapay ng kaniyang Dios.
22Kaniyang kakanin ang tinapay ng kaniyang Dios, ang pinakabanal at ang mga bagay na banal:
23Hindi lamang siya papasok sa loob ng tabing, o lalapit man sa dambana, sapagka't may kapintasan siya; upang huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuario: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
24Gayon sinalita ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.