Kabanata 28

1 At nang kami'y mangakatakas na, nang magkagayo'y napagtalastas namin na ang pulo'y tinatawag na Melita.
2 At pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kagandahang-loob ng mga barbaro: sapagka't sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa ulan niyaon, at dahil sa ginaw.
3 Datapuwa't pagkapagtipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, ay lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kaniyang kamay.
4 At nang makita ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, ay nagsabi ang isa sa iba, Walang salang mamamatay-tao ang taong ito, na, bagama't siya'y nakatakas sa dagat, gayon ma'y hindi siya pinabayaang mabuhay ng Katarungan.
5 Gayon ma'y ipinagpag niya ang hayop sa apoy, at siya'y hindi nasaktan.
6 Nguni't kanilang hinihintay na siya'y mamaga, o biglang mabuwal na patay: datapuwa't nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyari sa kaniyang anoman, ay nangagbago sila ng akala, at nangagsabing siya'y isang dios.
7 At sa mga kalapit ng dakong yao'y may mga lupain ang pangulo sa pulong yaon, na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob.
8 At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may-sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at nanalangin, at nang maipatong sa kaniya ang kaniyang mga kamay ay siya'y pinagaling.
9 At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling:
10 Kami nama'y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin.
11 At nang makaraan ang tatlong buwan ay nagsilayag kami sa isang daong Alejandria na tumigil ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.
12 At nang dumaong kami sa Siracusa, ay nagsitigil kami roong tatlong araw.
13 At mula doo'y nagsiligid kami, at nagsirating sa Regio: at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang timugan, at nang ikalawang araw ay nagsirating kami sa Puteoli;
14 Na doo'y nakasumpong kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapang matira sa kanilang pitong araw: at sa gayo'y nagsirating kami sa Roma.
15 At buhat doo'y pagkabalita ng mga kapatid, ay sinalubong kami sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan; na nang sila'y makita ni Pablo, ay nagpasalamat sa Dios, at lumakas ang loob.
16 At nang mangakapasok kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang mamahay na magisa na kasama ng kawal na sa kaniya'y nagbabantay.
17At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw ay tinipon niya yaong mga pangulo sa mga Judio: at nang sila'y mangagkatipon na, ay sinabi niya sa kanila, Ako, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anoman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga magulang, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga Roma:
18Na, nang ako'y kanilang masulit na, ay ibig sana nila akong palayain, sapagka't wala sa aking anomang kadahilanang marapat sa kamatayan.
19Datapuwa't nang magsalita laban dito ang mga Judio, ay napilitan akong maghabol hanggang kay Cesar; hindi dahil sa mayroon akong anomang sukat na maisakdal laban sa aking bansa.
20Sanhi sa dahilang ito tinawag ko kayo upang makipagkita at makipagusap sa akin: sapagka't dahil sa pagasa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.
21At sinabi nila sa kaniya, Kami'y hindi nagsitanggap ng mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni naparito man ang sinomang kapatid na magbalita o magsalita ng anomang masama tungkol sa iyo.
22Datapuwa't ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong iniisip: sapagka't tungkol sa sektang ito'y talastas naming sa lahat ng mga dako ay laban dito ang mga salitaan.
23At nang mataningan na nila siya ng isang araw, ay nagsiparoon ang lubhang marami sa kaniyang tinutuluyan; at sa kanila'y kaniyang ipinaliwanag ang bagay, na sinasaksihan ang kaharian ng Dios, at sila'y hinihikayat tungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at gayon din sa pamamagitan ng mga propeta, buhat sa umaga hanggang sa gabi.
24At ang mga iba'y nagsipaniwala sa mga bagay na sinabi, at ang mga iba'y hindi nagsipaniwala.
25At nang sila'y hindi mangagkaisa, ay nangagsialis pagkasabi ni Pablo ng isang salita, Mabuti ang pagkasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias sa inyong mga magulang,
26Na sinasabi, Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, Sa pakikinig ay inyong mapapakinggan, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:
27Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik-loob, At sila'y aking pagalingin.
28Maging hayag nawa sa inyo, na ang kaligtasang ito ng Dios ay ipinadala sa mga Gentil: sila'y makikinig naman.
29At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nangagtatalong mainam.
30At tumahan si Pablo na dalawang taong ganap sa kaniyang tahanang inuupahan, at tinatanggap ang lahat ng sa kaniya'y nagsisipagsadya,
31Na ipinangangaral ang kaharian ng Dios, at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong katapangan, wala sinomang nagbabawal sa kaniya.