Kabanata 20
1 At pagkatapos na mapatigil ang kaguluhan, nang maipatawag na ni Pablo ang mga alagad at sila'y mapangaralan, ay nagpaalam sa kanila, at umalis upang pumaroon sa Macedonia.
2 At nang matahak na niya ang mga dakong yaon, at maaralan na sila ng marami, siya'y napasa Grecia.
3 At nang siya'y makapaggugol na ng tatlong buwan doon, at mapabakayan siya ng mga Judio nang siya'y lalayag na sa Siria, ay pinasiyahan niyang bumalik na magdaan sa Macedonia.
4 At siya'y sinamahan hanggang sa Asia, ni Sopatro na taga Berea, na anak ni Pirro; at ng mga taga Tesalonicang si Aristarco at si Segundo; at ni Gayo na taga Derbe, at ni Timoteo; at ng mga taga Asiang si Tiquico at si Trofimo.
5 Datapuwa't nangauna ang mga ito, at hinintay kami sa Troas.
6 At kami'y nagsilayag mula sa Filipos pagkaraan ng mga kaarawan ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsidating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw; na doo'y nagsitira kaming pitong araw.
7 At nang unang araw ng sanglinggo, nang kami'y nangagkakapisan upang pagputolputulin ang tinapay, si Pablo ay nangaral sa kanila, na nagaakalang umalis sa kinabukasan; at tumagal ang kaniyang pananalita hanggang sa hatinggabi.
8 At may maraming mga ilaw sa silid sa itaas na pangkatipunan namin.
9 At may nakaupo sa durungawan na isang binatang nagngangalang Eutico, na mahimbing sa pagtulog; at samantalang si Pablo ay nangangaral ng mahaba, palibhasa'y natutulog ay nahulog buhat sa ikatlong grado, at siya'y binuhat na patay.
10 At nanaog si Pablo, at dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, Huwag kayong magkagulo; sapagka't nasa kaniya ang kaniyang buhay.
11 At nang siya'y makapanhik na, at mapagputolputol na ang tinapay, at makakain na, at makapagsalita sa kanila ng mahaba, hanggang sa sumikat ang araw, kaya't siya'y umalis.
12 At kanilang dinalang buhay ang binata, at hindi kakaunti ang kanilang pagkaaliw.
13 Datapuwa't kami, na nangauna sa daong, ay nagsilayag na patungong Ason, na doon namin inaakalang ilulan si Pablo: sapagka't gayon ang kaniyang ipinasiya, na ninanasa niyang maglakad.
14 At nang salubungin niya kami sa Ason, siya'y inilulan namin, at nagsiparoon kami sa Mitilene.
15 At pagtulak namin doon, ay sumapit kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chio; at nang kinabukasan ay nagsidaong kami sa Samo; at nang kinabukasan ay nagsirating kami sa Mileto.
16 Sapagka't ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang maggugol ng panahon sa Asia; sapagka't siya'y nagmamadali upang kung maaari ay dumating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.
17At mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso, at ipinatawag ang mga matanda sa iglesia.
18At nang sila'y magsidating sa kaniya, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo, na mula nang unang araw na ako'y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon,
19Na ako'y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagbakay ng mga Judio;
20Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anomang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21Na sinasaksihan ko sa mga Judio at gayon din sa mga Griego ang pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo.
22At ngayon, narito, ako na natatali sa espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon:
23Maliban na pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo sa bawa't bayan, na sinasabing ang mga tanikala at ang mga kapighatian ay nagsisipagantay sa akin.
24Datapuwa't hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeriong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Dios.
25At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha.
26Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao.
27Sapagka't hindi ko ikinait ang pagsasaysay sa inyo ng buong kapasiyahan ng Dios.
28Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.
29Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan;
30At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.
31Kaya nga kayo'y mangagpuyat, na alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawa't isa na may pagluha.
32At ngayo'y ipinagtatagubilin ko kayo sa Dios, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat na mga pinapaging banal.
33Hindi ko inimbot ang pilak ninoman, o ang ginto, o ang pananamit.
34Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan.
35Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.
36At nang makapagsalita na siya ng gayon, ay nanikluhod siya at nanalanging kasama silang lahat.
37At silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa, at nangagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya'y hinagkan nila.
38Na ikinahahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kaniyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kaniyang paglalakbay hanggang sa daong.