Kabanata 11
1 Nabalitaan nga ng mga apostol at ng mga kapatid na nangasa Judea na nagsitanggap din naman ang mga Gentil ng salita ng Dios.
2 At nang umahon si Pedro sa Jerusalem, ay nakipagtalo sa kaniya ang mga sa pagtutuli,
3 Na nagsisipagsabi, Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli, at kumain kang kasalo nila.
4 Datapuwa't si Pedro ay nagpasimula, at ang kadahilanan ay isinaysay sa kanilang sunodsunod na sinasabi,
5 Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppe: at sa kawalan ng diwa'y nakakita ako ng isang pangitain, na may isang sisidlang bumababa, na gaya ng isang malapad na kumot, na inihuhugos mula sa langit na nakabitin sa apat na sulok; at dumating hanggang sa akin:
6 At nang yao'y aking titigan, ay pinagwari ko, at aking nakita ang mga hayop na may apat na paa sa lupa at mga hayop na ganid at ang mga nagsisigapang at mga ibon sa langit.
7 At nakarinig din naman ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain.
8 Datapuwa't sinabi ko, Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailan man ay walang anomang pumasok sa aking bibig na marumi o karumaldumal.
9 Nguni't sumagot na ikalawa ang tinig mula sa langit, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi.
10 At ito'y nangyaring makaitlo: at muling binatak ang lahat sa langit.
11 At narito, pagdaka'y nangagsitayo sa tapat ng bahay na aming kinaroroonan, ang tatlong lalake na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.
12 At iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila, na huwag magtangi. At nagsisama naman sa akin itong anim na kapatid; at nagsipasok kami sa bahay ng lalaking yaon:
13 At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro;
14 Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo.
15 At nang ako'y magpasimulang magsalita, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, na gaya naman ng pagbaba sa atin nang una.
16 At naalaala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, Tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.
17Kung ibinigay nga sa kanila ng Dios ang gayon ding kaloob na gaya naman ng kaniyang ibinigay sa atin, nang tayo'y nagsisisampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino baga ako, na makahahadlang sa Dios?
18At nang marinig nila ang mga bagay na ito, ay nagsitahimik sila, at niluwalhati ang Dios, na sinasabi, Kung gayo'y binigyan din naman ng Dios ang mga Gentil ng pagsisisi sa ikabubuhay.
19Yaon ngang nagsipangalat sa ibang lupain dahil sa kapighatian na nangyari tungkol kay Esteban ay nangaglakbay hanggang sa Fenicia, at sa Chipre, at sa Antioquia, na hindi nagsaysay kanino man ng salita kundi sa mga Judio lamang.
20Datapuwa't may ilan sa kanila, mga taong taga Chipre at taga Cirene, na, nang sila'y magsidating sa Antioquia, ay nangagsalita naman sa mga Griego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.
21At sumasa kanila ang kamay ng Panginoon: at ang lubhang marami sa nagsisisampalataya ay nangagbalik-loob sa Panginoon.
22At dumating ang balita tungkol sa kanila sa mga tainga ng iglesia na nasa Jerusalem: at kanilang sinugo si Bernabe hanggang sa Antioquia:
23Na, nang siya'y dumating, at makita ang biyaya ng Dios, ay nagalak; at kaniyang inaralan ang lahat, na sa kapasiyahan ng puso ay magsipanatili sa Panginoon:
24Sapagka't siya'y lalaking mabuti, at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya: at maraming tao ang nangaparagdag sa Panginoon.
25At siya'y naparoon sa Tarso upang hanapin si Saulo;
26At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia.
27Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.
28At nagtindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo, at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakagutom ng malaki sa buong sanglibutan: na nangyari nang mga kaarawan ni Claudio.
29At ang mga alagad, ayon sa kaya ng bawa't isa, ay nangagpasiyang magpadala ng saklolo sa mga kapatid na nangananahan sa Judea:
30Na siya nga nilang ginawa, na ipinadala nila sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.