Kabanata 7
1 Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum.
2 At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay.
3 At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin.
4 At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito;
5 Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga.
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan:
7 Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin.
8 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.
9 At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man.
10 At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin.
11 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao.
12 At nang siya nga'y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya'y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan.
13 At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya'y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis.
14 At siya'y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.
15 At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay niya sa kaniyang ina.
16 At sinidlan ng takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan.
17At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain.
18At ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito.
19At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?
20At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?
21Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag.
22At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.
23At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.
24At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin?
25Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari.
26Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.
28Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma'y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya.
29At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay pinatotohanan ang Dios, na nagsipagbautismo ng bautismo ni Juan.
30Datapuwa't pinawalang halaga ng mga Fariseo at ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya.
31Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad?
32Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis.
33Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio.
34Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!
35At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak.
36At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang.
37At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento,
38At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento.
39Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan.
40At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo.
41Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu.
42Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya?
43Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo.
44At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok.
45Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa.
47Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.
48At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.
49At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan?
50At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.