Kabanata 20
1 At nangyari, sa isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda;
2 At sila'y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
3 At siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin:
4 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao?
5 At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
6 Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta.
7 At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula.
8 At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
9 At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon.
10 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala.
11 At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala.
12 At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas.
13 At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila.
14 Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin.
15 At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
16 Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari.
17Datapuwa't kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali. Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok?
18Ang bawa't mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok.
19At pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila'y nangatatakot sa bayan: sapagka't nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila.
20At siya'y inaabangan nila, at sila'y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya'y mahuli sa kaniyang salita, na siya'y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng gobernador.
21At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios.
22Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi?
23Datapuwa't napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila,
24Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar.
25At sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios.
26At sila'y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila'y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik.
27At may lumapit sa kaniyang ilan sa mga Saduceo, na nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli;
28At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, isinulat sa amin ni Moises, na kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, na may asawa, at siya'y walang anak, ay kunin ng kaniyang kapatid ang asawa, at bigyang anak ang kaniyang kapatid.
29Mayroon ngang pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at namatay na walang anak;
30At ang pangalawa:
31At ang pangatlo'y nagasawa sa bao; at gayon din ang pito naman ay hindi nagiwan ng mga anak, at nangamatay.
32Pagkatapos ay namatay naman ang babae.
33Sa pagkabuhay na maguli nga, kanino sa kanila magiging asawa kaya ang babaing yaon? sapagka't siya'y naging asawa ng pito.
34At sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisipagasawa ang mga anak ng sanglibutang ito, at pinapagaasawa:
35Datapuwa't ang mga inaaring karapatdapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na maguli sa mga patay, ay hindi mangagaasawa, ni papagaasawahin:
36Sapagka't hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka't kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Dios, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na maguli.
37Datapuwa't tungkol sa pagbabangon ng mga patay, ay ipinakilala rin naman ni Moises sa Mababang punong kahoy, nang tinawag niya ang Panginoon na Dios ni Abraham, at Dios ni Isaac, at Dios ni Jacob.
38Siya nga'y hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: sapagka't nangabubuhay sa kaniya ang lahat.
39At pagsagot ng ilan sa mga eskriba, ay nangagsabi, Guro, mabuti ang pagkasabi mo.
40Sapagka't hindi na nga sila nangahas tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong.
41At kaniyang sinabi sa kanila, Paanong sinasabi nila na ang Cristo ay anak ni David?
42Sapagka't si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa aking kanan,
43Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.
44Dahil dito tinatawag siyang Panginoon ni David, at paanong siya'y anak niya?
45At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na naririnig ng buong bayan,
46Mangagingat kayo sa mga eskriba na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig nila ang sila'y pagpugayan sa mga pamilihan, at ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong dako sa mga pigingan;
47Na sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing bao, at sa pagpakunwaring banal ay nanalangin ng mahaba: ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.