Lucas
Kabanata 6
1 Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.
2 Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath?
3 At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;
4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?
5 At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.
6 At nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo'y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay.
7 At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal.
8 Datapuwa't nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at tumayo.
9 At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?
10 At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.
11 Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus.
12 At nangyari nang mga araw na ito, na siya'y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.
13 At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:
14 Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.
15 At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap,
16 At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;
17At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;
18Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.
19At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.
20At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.
21Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.
22Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.
23Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.
24Datapuwa't sa aba ninyong mayayaman! sapagka't tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis.
26Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.
27Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,
28Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait.
29Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.
30Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli.
31At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.
32At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.
33At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.
34At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.
35Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.
36Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.
37At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
38Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.
39At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
40Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
41At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
42O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
43Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.
44Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.
45Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.
46At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?
47Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:
48Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.
49Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.