Kabanata 9

1 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayong ito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Dios na dumarating na may kapangyarihan.
2 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok: at siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 At ang kaniyang mga damit ay nangagningning, na nagsiputing maigi, na ano pa't sinomang magpapaputi sa lupa ay hindi makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y napakita sa kanila si Elias na kasama si Moises: at sila'y nakikipagusap kay Jesus.
5 At sumagot si Pedro at sinabi kay Jesus, Rabi, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa kami ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.
6 Sapagka't hindi niya nalalaman kung ano ang isasagot; sapagka't sila'y lubhang nangatakot.
7 At dumating ang isang alapaap na sa kanila'y lumilim: at may isang tinig na nanggaling sa alapaap, Ito ang sinisinta kong Anak; siya ang inyong pakinggan.
8 At karakaraka'y sa biglang paglingap nila sa palibotlibot, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang na kasama nila.
9 At habang nagsisibaba sila sa bundok, ay ipinagbilin niya sa kanila na sa kanino man ay huwag nilang sabihin ang kanilang nakita, maliban na pagka ang Anak ng tao ay magbangong maguli sa mga patay.
10 At kanilang iningatan ang pananalitang ito, na nangagtatanungan sila-sila kung ano ang kahulugan ng pagbabangong maguli sa mga patay.
11 At tinanong nila siya, na sinasabi, Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?
12 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang si Elias ay pariritong mauna, at isasauli sa dati ang lahat ng mga bagay: at paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng tao, na siya'y maghihirap ng maraming bagay at pawalang halaga?
13 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at ginawa din naman nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya.
14 At pagdating nila sa mga alagad, ay nakita nilang nasa kanilang palibotlibot ang lubhang maraming mga tao, at ang mga eskriba ay nangakikipagtalo sa kanila.
15 At pagdaka'y ang buong karamihan, pagkakita nila sa kaniya, ay nangagtakang mainam, at tinakbo siya na siya'y binati.
16 At tinanong niya sila, Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?
17At isa sa karamihan ay sumagot sa kaniya, Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalake na may isang espiritung pipi;
18At saan man siya alihan nito, ay ibinubuwal siya: at nagbububula ang kaniyang bibig, at nagngangalit ang mga ngipin, at untiunting natutuyo: at sinabi ko sa iyong mga alagad na siya'y palabasin; at hindi nila magawa.
19At sumagot siya sa kanila at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya, hanggang kailan makikisama ako sa inyo? hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin.
20At dinala nila siya sa kaniya: at pagkakita niya sa kaniya, ay pagdaka'y pinapangatal siyang lubha ng espiritu; at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig.
21At tinanong niya ang kaniyang ama, Kailan pang panahon nangyayari sa kaniya ito? At sinabi niya, Mula sa pagkabata.
22At madalas na siya'y inihahagis sa apoy at sa tubig, upang siya'y patayin: datapuwa't kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.
23At sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung kaya mo! Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.
24Pagdaka'y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.
25At nang makita ni Jesus na dumaragsang tumatakbo ang karamihan, ay pinagwikaan niya ang karumaldumal na espiritu, na sinasabi sa kaniya, Ikaw bingi at piping espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya.
26At nang makapagsisisigaw, at nang siya'y mapangatal na mainam, ay lumabas siya: at ang bata'y naging anyong patay; ano pa't marami ang nagsabi, Siya'y patay.
27Datapuwa't hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon; at siya'y nagtindig.
28At nang pumasok siya sa bahay, ay tinanong siya ng lihim ng kaniyang mga alagad, Paano ito na siya'y hindi namin napalabas?
29At sinabi niya sa kanila, Ang ganito ay hindi mapalalabas ng anoman, maliban sa pamamagitan ng panalangin.
30At nagsialis sila roon, at nangagdaan sa Galilea; at ayaw siyang sinomang tao'y makaalam niyaon.
31Sapagka't tinuruan niya ang kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Ibibigay ang Anak ng tao sa mga kamay ng mga tao, at siya'y papatayin nila; at pagkapatay sa kaniya, ay siyang magbabangong muli pagkaraan ng ikatlong araw.
32Nguni't hindi nila naunawa ang sabing ito, at nangatakot silang magsipagtanong sa kaniya.
33At sila'y nagsidating sa Capernaum: at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, Ano ang pinagkakatuwiranan ninyo sa daan?
34Datapuwa't hindi sila nagsiimik: sapagka't sila-sila ay nangagtalo sa daan, kung sino ang pinakadakila.
35At siya'y naupo, at tinawag ang labingdalawa; at sa kanila'y sinabi niya, Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.
36At kinuha niya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila: at siya'y kaniyang kinalong, na sa kanila'y sinabi niya,
37Ang sinomang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa aking pangalan, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay hindi ako ang tinatanggap, kundi yaong sa aki'y nagsugo.
38Sinabi sa kaniya ni Juan, Guro, nakita namin ang isa na sa pangalan mo'y nagpapalabas ng mga demonio; at pinagbawalan namin siya, sapagka't hindi sumusunod sa atin.
39Datapuwa't sinabi ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko, na pagdaka'y makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.
40Sapagka't ang hindi laban sa atin ay sumasa atin.
41Sapagka't ang sinomang magpainom sa inyo ng isang sarong tubig, dahil sa kayo'y kay Cristo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi mawawala sa anomang paraan ang ganti sa kaniya.
42At ang sinomang magbigay ng ikatitisod sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking gilingang bato, at siya'y ibulid sa dagat.
43At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impierno, sa apoy na hindi mapapatay.
44Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
45At kung ang paa mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok kang pilay sa buhay kay sa may dalawang paa kang mabulid sa impierno.
46Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
47At kung ang mata mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Dios na may isang mata, kay sa may dalawang mata kang mabulid sa impierno;
48Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
49Sapagka't bawa't isa'y aasnan sa pamamagitan ng apoy.
50Mabuti ang asin: datapuwa't kung tumabang ang asin, ay ano ang inyong ipagpapaalat? Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.