Kabanata 12
1 At nagpasimulang pinagsalitaan niya sila sa mga talinghaga. Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at binakuran ng mga buhay na punong kahoy, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.
2 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin niya sa mga magsasaka ang mga bunga ng ubasan.
3 At hinawakan nila siya, at hinampas siya, at siya'y pinauwing walang dala.
4 At siya'y muling nagsugo sa kanila ng ibang alipin; at ito'y kanilang sinugatan sa ulo, at dinuwahagi.
5 At nagsugo siya ng iba; at ito'y kanilang pinatay: at ang iba pang marami; na hinampas ang iba, at ang iba'y pinatay.
6 Mayroon pa siyang isa, isang sinisintang anak na lalake: ito'y sinugo niyang kahulihulihan sa kanila, na sinasabi, Igagalang nila ang aking anak.
7 Datapuwa't ang mga magsasakang yaon ay nangagsangusapan, Ito ang tagapagmana; halikayo, atin siyang patayin, at magiging atin ang mana.
8 At siya'y kanilang hinawakan, at siya'y pinatay, at itinaboy sa labas ng ubasan.
9 Ano nga kaya ang gagawin ng panginoon ng ubasan? siya'y paroroon at pupuksain ang mga magsasaka, at ibibigay ang ubasan sa mga iba.
10 Hindi man lamang baga nabasa ninyo ang kasulatang ito: Ang batong itinakuwil ng nangagtayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok;
11 Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.
12 At pinagsikapan nilang hulihin siya; at sila'y natakot sa karamihan; sapagka't kanilang napaghalata na kaniyang sinalita ang talinghaga laban sa kanila: at siya'y iniwan nila, at nagsialis.
13 At kanilang sinugo sa kaniya ang ilan sa mga Fariseo at sa mga Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita.
14 At nang sila'y magsilapit, ay kanilang sinabi sa kaniya, Guro, nalalaman namin na ikaw ay totoo, at hindi ka nangingimi kanino man; sapagka't hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios: Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi?
15 Bubuwis baga kami, o hindi kami bubuwis? Datapuwa't siya, na nakatataho ng kanilang pagpapaimbabaw, ay nagsabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso? magdala kayo rito sa akin ng isang denario, upang aking makita.
16 At dinalhan nila. At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat? At sinabi nila sa kaniya, kay Cesar.
17At sinabi sa kanila ni Jesus, ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar, at sa Dios ang sa Dios. At sila'y nanggilalas na mainam sa kaniya.
18At nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabi na walang pagkabuhay na maguli; at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi,
19Guro, isinulat sa amin ni Moises, Kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, ay kukunin ng kaniyang kapatid ang kaniyang asawa, at bigyan ng anak ang kaniyang kapatid.
20May pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at nang mamatay ay walang naiwang anak;
21At nagasawa sa bao ang pangalawa, at namatay na walang naiwang anak; at gayon din naman ang pangatlo:
22At ang ikapito'y walang naiwang anak. Sa kahulihulihan ng lahat ay namatay naman ang babae.
23Sa pagkabuhay na maguli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? sapagka't siya'y naging asawa ng pito.
24Sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kaya nangagkakamali kayo dahil diyan, na hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Dios?
25Sapagka't sa pagbabangon nilang muli sa mga patay, ay hindi na mangagaasawa, ni papagaasawahin pa; kundi gaya ng mga anghel sa langit.
26Nguni't tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa Mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob?
27Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y nangagkakamaling lubha.
28At lumapit ang isa sa mga eskriba, at nakarinig ng kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila, ay tinanong siya, Ano baga ang pangulong utos sa lahat?
29Sumagot si Jesus, Ang pangulo ay, Pakinggan mo, Oh Israel; Ang Panginoon nating Dios, ang Panginoon ay iisa:
30At iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo.
31Ang pangalawa ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Walang ibang utos na hihigit sa mga ito.
32At sinabi sa kaniya ng eskriba, Sa katotohanan, Guro, ay mabuti ang pagkasabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba liban sa kaniya:
33At ang siya'y ibigin ng buong puso, at ng buong pagkaunawa, at ng buong lakas, at ibigin ang kapuwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili, ay higit pa kay sa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.
34At nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi niya sa kaniya, Hindi ka malayo sa kaharian ng Dios. At walang tao, pagkatapos noon na nangahas na tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong.
35At sumagot si Jesus at nagsabi nang siya'y nagtuturo sa templo, Paanong masasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?
36Si David din ang nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.
37Si David din ang tumatawag na Panginoon sa kaniya; at paano ngang siya'y kaniyang anak? At ang mga karaniwang tao ay nangakikinig sa kaniyang may galak.
38At sinabi niya sa kaniyang pagtuturo, Mangagingat kayo sa mga eskriba, na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at pagpugayan sa mga pamilihan.
39At ibig nila ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong luklukan sa mga pigingan:
40Silang nangananakmal ng mga bahay ng mga babaing bao, at dinadahilan ay ang mahahabang panalangin; ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.
41At umupo siya sa tapat ng kabang-yaman, at minasdan kung paanong inihuhulog ng karamihan ang salapi sa kabang-yaman: at maraming mayayaman ang nangaghuhulog ng marami.
42At lumapit ang isang babaing bao, at siya'y naghulog ng dalawang lepta, na ang halaga'y halos isang beles.
43At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman:
44Sapagka't silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga'y ang buong kaniyang ikabubuhay.