Kabanata 4
1 At siya'y muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagpipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't siya'y lumulan sa isang daong, at siya'y naupo sa dagat; at ang buong karamihan ay nasa lupa sa tabi ng dagat.
2 At sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa mga talinghaga, at sinabi sa kanila sa kaniyang pagtuturo,
3 Pakinggan ninyo: Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik:
4 At nangyari, sa kaniyang paghahasik, na ang ilang binhi ay nangahulog sa tabi ng daan, at nagsidating ang mga ibon at kinain ito.
5 At ang mga iba'y nangahulog sa batuhan, na doo'y walang maraming lupa; at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa:
6 At nang sumikat ang araw, ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.
7 At ang mga iba'y nangahulog sa dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga pananim, at ito'y hindi nangamunga.
8 At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangamunga, na nagsitaas at nagsilago; at may namunga ng tigtatatlongpu, at tiganim na pu, at tigisang daan.
9 At sinabi niya, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
10 At nang siya'y magisa na, ang nangasa palibot niya na kasama ang labingdalawa ay nangagtanong sa kaniya tungkol sa mga talinghaga.
11 At sinabi niya sa kanila, Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa kanilang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga:
12 Upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; baka sakaling sila'y mangagbalikloob, at patawarin sila.
13 At sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nalalaman ang talinghagang ito? at paanong malalaman ninyo ang lahat ng mga talinghaga?
14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.
15 At ang mga ito'y yaong nangasa tabi ng daan, na doon nahahasik ang salita; at nang kanilang mapakinggan, pagdaka'y pinaroroonan ni Satanas, at inaalis ang salita na inihasik sa kanila.
16 At gayon din naman itong mga nahasik sa batuhan, na, pagkarinig nila ng salita, pagdaka'y nagsisitanggap na may galak;
17At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya't pagkakaroon ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka'y nangatisod sila.
18At ang mga iba'y yaong nangahasik sa dawagan; ang mga ito'y yaong nangakinig ng salita,
19At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito'y nagiging walang bunga.
20At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan.
21At sinabi niya sa kanila, Dinadala baga ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi baga upang ilagay sa talagang lalagayan ng ilaw?
22Sapagka't walang anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao'y upang mapasa liwanag.
23Kung ang sinoman ay may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
24At sinabi niya sa kanila, Ingatan ninyo kung ano ang inyong pinakikinggan: sa panukat na inyong isinusukat ay kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.
25Sapagka't ang mayroon, ay bibigyan pa; at ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin pa sa kaniya.
26At sinabi niya, Ganyan ang kaharian ng Dios, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa;
27At natutulog at nagbabangon sa gabi at araw, at sumisibol at lumalaki ang binhi na di niya nalalaman kung paano.
28Sa kaniyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay.
29Datapuwa't pagka hinog na ang bunga, ay ginagamit agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pagaani.
30At kaniyang sinabi, Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Dios? o sa anong talinghaga isasaysay natin ito?
31Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mostasa, na pagkahasik sa lupa, bagama't siyang lalong pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nangasa lupa,
32Gayon ma'y pagkatanim, ay tumataas, at lumalaki ng higit kay sa lahat ng mga gulay, at nagsasanga ng malalabay; ano pa't ang mga ibon sa langit ay mangakasisilong sa kaniyang lilim.
33At sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ay sinasaysay niya sa kanila ang salita, ayon sa makakaya ng kanilang pakinig;
34At hindi sila kinakausap kundi sa talinghaga: datapuwa't sa kaniyang sariling mga alagad ay bukod na ipinaliliwanag ang lahat ng mga bagay.
35At nang araw ding yaon, nang gabi na, ay sinabi niya sa kanila, Tumawid tayo sa kabilang ibayo.
36At pagkaiwan sa karamihan, ay kanilang dinala siya sa daong, ayon sa kaniyang kalagayan. At mayroon siyang kasamang ibang mga daong.
37At nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa't ang daong ay halos natitigib.
38At siya'y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson; at siya'y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?
39At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon,
40At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?
41At sila'y nangatakot na lubha, at sila-sila'y nangagsasabihan, Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?