Kabanata 12

1 Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.
2 Datapuwa't pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi matuwid na gawin sa sabbath.
3 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya'y nagutom, at ang mga kasamahan niya;
4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, kundi ng mga saserdote lamang?
5 O hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala?
6 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kay sa templo.
7 Datapuwa't kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan.
8 Sapagka't ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.
9 At siya'y umalis doon at pumasok sa sinagoga nila:
10 At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong.
11 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?
12 Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.
13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa.
14 Datapuwa't nagsialis ang mga Fariseo, at nangagpulong laban sa kaniya, kung papaanong siya'y maipapupuksa nila.
15 At pagkahalata nito ni Jesus ay lumayo roon: at siya'y sinundan ng marami; at kaniyang pinagaling silang lahat,
16 At ipinagbilin niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ihayag:
17Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi,
18Narito, ang lingkod ko na aking hinirang; At minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa: Isasakaniya ko ang aking Espiritu, At ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil.
19Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw; Ni maririnig man ng sinoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan.
20Hindi niya babaliin ang tambong gapok, At hindi papatayin ang timsim na umuusok, Hanggang sa papagtagumpayin ang paghuhukom.
21At aasa sa kaniyang pangalan ang mga Gentil.
22Nang magkagayo'y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa't ang pipi ay nagsalita at nakakita.
23At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David?
24Datapuwa't nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito'y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio.
25At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa't bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.
26At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian?
27At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila'y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom.
28Nguni't kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.
29O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? at kung magkagayo'y masasamsaman niya ang kaniyang bahay.
30Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.
31Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.
32At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.
33O pabutihin ninyo ang punong kahoy, at mabuti ang bunga niyaon; o pasamain ninyo ang punong kahoy, at masama ang bunga niyaon: sapagka't ang punong kahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga.
34Kayong lahi ng mga ulupong, papaano kayo na masasama, ay makapagsasalita ng mabubuting bagay? sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.
35Ang mabuting tao sa kaniyang mabuting kayamanan ay kumukuha ng mabubuting bagay: at ang masamang tao sa kaniyang masamang kayamanan ay kumukuha ng masasamang bagay.
36At sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.
37Sapagka't sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.
38Nang magkagayo'y nagsisagot sa kaniya ang ilan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, na nangagsasabi, Guro, ibig namin makakita ng isang tanda sa iyo.
39Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ng propeta Jonas:
40Sapagka't kung paanong si Jonas ay napasa tiyan ng isang balyena na tatlong araw at tatlong gabi; ay gayon ding mapapasa ilalim ng lupa na tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao.
41Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.
42Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't siya'y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.
43Datapuwa't ang karumaldumal na espiritu, kung siya'y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong.
44Kung magkagayo'y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan.
45Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kay sa kaniya, at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. Gayon din ang mangyayari sa masamang lahing ito.
46Samantalang siya'y nagsasalita pa sa mga karamihan, narito, ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay nangakatayo sa labas, at ibig nilang siya'y makausap.
47At may nagsabi sa kaniya, Narito, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nangakatayo sa labas, na ibig nilang makausap ka.
48Nguni't siya'y sumagot at sinabi sa nagsabi sa kaniya, Sino ang aking ina? at sino-sino ang aking mga kapatid?
49At iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Narito, ang aking ina at ang aking mga kapatid!
50Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae, at ina.