Mateo

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28


Kabanata 26

1At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
2 Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.
3 Nang magkagayo'y ang mga pangulong saserdote, at ang mga matanda sa bayan ay nangagkatipon sa looban ng dakilang saserdote, na tinatawag na Caifas;
4 At sila'y nangagsanggunian upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at siya'y patayin.
5 Datapuwa't sinabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan.
6 Nang nasa Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin,
7 Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain.
8 Datapuwa't nang makita ito ng mga alagad, ay nangagalit sila, na nangagsasabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito?
9 Sapagka't ito'y maipagbibili sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.
10 Datapuwa't nang mahalata ito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa.
11 Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.
12 Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa paglilibing.
13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.
14 Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong saserdote,
15 At sinabi, Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin, at siya'y ibibigay ko sa inyo? At siya'y tinimbangan nila ng tatlongpung putol na pilak.
16 At buhat nang panahong yao'y humanap siya ng pagkakataon upang maibigay siya.
17 Nang unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua?
18 At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.
19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua.
20 Nang dumating nga ang gabi, ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad;
21 At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.
22 At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?
23 At siya'y sumagot at sinabi, Yaong kasabay kong idampot ang kamay sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa akin.
24 Ang Anak ng tao ay papanaw, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.
25 At si Judas, na sa kaniya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, Ako baga, Rabi? Sinabi niya sa kaniya, Ikaw ang nagsabi.
26 At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.
27 At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;
28 Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
29 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.
30 At pagkaawit nila ng isang himno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.
31 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.
32 Datapuwa't pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.
33 Datapuwa't sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, ako kailan ma'y hindi magdaramdam.
34 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo.
35 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Kahima't ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ikakaila. Gayon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad.
36 Nang magkagayo'y dumating si Jesus na kasama sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y pumaparoon doon at manalangin.
37 At kaniyang isinama si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang namanglaw at nanglumong totoo.
38 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.
39 At lumakad siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.
40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kaniyang naratnang nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Ano, hindi kayo maaaring mangakipagpuyat sa akin ng isang oras?
41 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman.
42 Muli siyang umalis na bilang ikalawa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.
43 At siya'y nagbalik na muli at naratnan silang nangatutulog, sapagka't nangabibigatan ang kanilang mga mata.
44 At muli niya silang iniwan, at umalis, at nanalangin bilang ikatlo, na sinabing muli ang gayon ding mga salita.
345 Nang magkagayo'y lumapit siya sa mga alagad, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
46. Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.
47 At samantalang nagsasalita pa siya, narito, dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang lubhang maraming taong may mga tabak at mga panghampas, mula sa mga pangulong saserdote at sa matatanda sa bayan.
48 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga: hulihin ninyo siya.
49 At pagdaka'y lumapit siya kay Jesus, at nagsabi, Magalak, Rabi; at siya'y hinagkan.
50 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo. Nang magkagayon ay nagsilapit sila at kanilang sinunggaban si Jesus, at siya'y kanilang dinakip.
51 At narito, ang isa sa mga kasama ni Jesus ay iniunat ang kaniyang kamay at binunot ang kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang tainga.
52 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay.
53 O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?
54 Kung gayo'y paano bagang mangatutupad ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari?
55 Sa oras na yaon ay sinabi ni Jesus sa mga karamihan, Kayo baga'y nangagsilabas na waring laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay nauupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.
56 Datapuwa't nangyari ang lahat ng ito, upang mangatupad ang mga kasulatan ng mga propeta. Nang magkagayo'y iniwan siya ng lahat ng mga alagad, at nagsitakas.
57 At si Jesus ay dinala ng nagsihuli sa kaniya sa dakilang saserdoteng si Caifas, na doo'y nangagkakapisan ang mga eskriba at matatanda.
58 Datapuwa't si Pedro'y sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa looban ng dakilang saserdote, at siya'y pumasok, at nakiumpok sa mga punong kawal, upang makita niya ang wakas.
59 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoong kabulaanan laban kay Jesus, upang siya'y kanilang maipapatay;
60 At yao'y hindi nila nangasumpungan, bagaman maraming nagsiharap na mga saksing bulaan. Nguni't pagkatapos ay nagsidating ang dalawa,
61 At nangagsabi, Sinabi ng taong ito, Maigigiba ko ang templo ng Dios, at muling itatayo ko sa tatlong araw.
62 At nagtindig ang dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Wala kang isinasagot na anoman? Ano itong sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?
63 Datapuwa't hindi umimik si Jesus. At sinabi ng dakilang saserdote sa kaniya, Kita'y pinapanunumpa alangalang sa Dios na buhay, na sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Dios.
64 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsabi: gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.
65 Nang magkagayo'y hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kapusungan: ano pa ang kailangan natin ng mga saksi? narito, ngayo'y narinig ninyo ang kapusungan:
66 Ano ang akala ninyo? Nagsisagot sila at kanilang sinabi, Karapatdapat siya sa kamatayan.
67 Nang magkagayo'y niluraan nila ang kaniyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok: at tinatampal siya ng mga iba,
68 Na nangagsasabi, Hulaan mo sa amin, ikaw Cristo: sino ang sa iyo'y bumubugbog?
69 Nakaupo nga si Pedro sa labas ng looban: at lumapit sa kaniya ang isang alilang babae, na nagsasabi, Ikaw man ay kasama ng taga Galileang si Jesus.
70 Datapuwa't siya'y kumaila sa harap nilang lahat, na sinasabi, Hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.
71 At paglabas niya sa portiko ay nakita siya ng ibang alila, at sinabi sa nangaroon, Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga Nazaret.
72 At muling kumailang may sumpa, Hindi ko nakikilala ang tao.
73 At pagkaraan ng sandali ay nagsilapit ang nangakatayo roon at kanilang sinabi kay Pedro, Sa katotohanang ikaw man ay isa rin sa kanila; sapagka't ipinakikilala ka ng iyong pananalita.
74 Nang magkagayo'y nagpasimula siyang manungayaw at manumpa, Hindi ko nakikilala ang tao. At pagdaka'y tumilaok ang manok.
75 At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, Bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas at nanangis na mainam.