Kabanata 37
1 At si Sedechias na anak ni Josias ay naghari na gaya ng hari, na humalili kay Conias na anak ni Joacim, na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.
2 Nguni't maging siya, o ang kaniyang mga lingkod man, o ang bayan man ng lupain, hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias.
3 At sinugo ni Sedechias na hari si Jucal na anak ni Selemias, at si Sephanias na anak ni Maasias na saserdote, sa propeta Jeremias, na sinabi, Idalangin mo kami ngayon sa Panginoon nating Dios.
4 Si Jeremias nga ay naglalabas pumasok sa gitna ng bayan: sapagka't hindi nila inilagay siya sa bilangguan.
5 At ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Egipto: at nang mabalitaan sila ng mga Caldeo na nagsisikubkob ng Jerusalem, ay nagsialis sa Jerusalem.
6 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa propeta Jeremias, na nagsasabi,
7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ganito ang inyong sasabihin sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo sa akin upang magsiyasat sa akin: Narito, ang hukbo ni Faraon, na lumabas upang tulungan kayo, ay babalik sa Egipto sa kanilang sariling lupain.
8 At ang mga Caldeo ay magsisiparito uli, at magsisilaban sa bayang ito; at kanilang sasakupin, at susunugin ng apoy.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili, na magsabi, Tunay na magsisialis sa atin ang mga Caldeo: sapagka't hindi magsisialis.
10 Sapagka't bagaman inyong sasaktan ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang naiwan lamang doon ay mga lalaking sugatan sa gitna nila, gayon ma'y babangon sila, ang bawa't isa sa kaniyang tolda, at susunugin ng apoy ang bayang ito.
11 At nangyari, na nang umurong sa Jerusalem ang hukbo ng mga Caldeo dahil sa takot sa hukbo ni Faraon,
12 Lumabas nga si Jeremias sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tumanggap ng kaniyang bahagi roon, sa gitna ng bayan.
13 At nang siya'y nasa pintuang-bayan ng Benjamin, isang kapitan ng bantay ay nandoon na ang pangalan ay Irias, na anak ni Selemias, na anak ni Hananias; at kaniyang dinakip si Jeremias, na propeta, na sinasabi, Ikaw ay kumakampi sa mga Caldeo.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias; Kasinungalingan, hindi ako kumakampi sa mga Caldeo. Nguni't hindi niya dininig siya: sa gayo'y dinakip ni Irias si Jeremias, at dinala sa mga prinsipe.
15 At ang mga prinsipe ay napoot kay Jeremias at sinaktan nila siya, at isinilid sa bilangguan sa bahay ni Jonathan na kalihim: sapagka't kanilang ginawang bilangguan yaon.
16 Nang si Jeremias ay makapasok sa bilangguang nasa ilalim ng lupa, at sa loob ng mga silid, at nang mabilanggo si Jeremias doon na maraming araw;
17Nagsugo nga si Sedechias na hari at ipinasundo siya: at tinanong siyang lihim ng hari sa kaniyang bahay, at nagsabi, May anoman bagang salitang mula sa Panginoon? At sinabi ni Jeremias: Mayroon. Sinabi rin niya, Ikaw ay mabibigay sa kamay ng hari sa Babilonia.
18Bukod dito'y sinabi ni Jeremias sa haring Sedechias, Sa ano ako nagkasala laban sa iyo, o laban sa iyong mga lingkod, o laban sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?
19Saan nandoon ngayon ang inyong mga propeta na nanganghula sa inyo, na nangagsasabi, Ang hari sa Babilonia ay hindi paririto laban sa inyo, o laban man sa lupaing ito?
20At ngayo'y dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, Oh panginoon ko na hari: isinasamo ko sa iyo na tanggapin ang aking pamanhik sa harap mo, na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.
21Nang magkagayo'y nagutos si Sedechias na hari, at kanilang ibinilanggo si Jeremias sa looban ng bantay; at kanilang binigyan siya araw-araw ng isang putol na tinapay na mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat na tinapay sa bayan. Ganito nabilanggo si Jeremias sa looban ng bantay.