Kabanata 33
1 Bukod dito'y dumating na ikalawa ang salita ng Panginoon kay Jeremias, samantalang nakukulong pa siya sa looban ng bantayan, na nagsasabi,
2 Ganito ang sabi ng Panginoon na gumagawa niyaon, ng Panginoon na umaanyo niyaon upang itatag; Panginoon ay siyang kaniyang pangalan:
3 Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at ako'y magpapakita sa iyo ng mga dakilang bagay, at mahihirap na hindi mo nangalalaman.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, tungkol sa mga bahay ng bayang ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari sa Juda na nangabagsak upang gawing sanggalangan laban sa mga bunton at laban sa tabak;
5 Sila'y nagsisidating upang magsilaban sa mga Caldeo, nguni't upang sila'y mangapuno ng mga bangkay ng mga tao, na aking pinatay sa aking galit at sa aking kapusukan, at dahil sa lahat ng kasamaang yaon ay ikinubli ko ang aking mukha sa bayang ito:
6 Narito, ako'y magdadala ng kagalingan at kagamutan, aking gagamutin sila; at ako'y maghahayag sa kanila ng di kawasang kapayapaan at katotohanan.
7 At aking pababalikin ang nangabihag sa Juda, at ang nangabihag sa Israel, at aking itatayo sila na gaya nang una.
8 At aking lilinisin sila sa lahat nilang kasamaan, na kanilang pinagkasalahan laban sa akin; at aking ipatatawad ang lahat nilang kasamaan na kanilang ipinagkasala laban sa akin, at kanilang ikinasalangsang laban sa akin.
9 At ang bayang ito ay magiging pinakapangalan ng kagalakan sa akin, pinaka kapurihan at pinaka kaluwalhatian, sa harap ng lahat na bansa sa lupa na makakarinig ng lahat na mabuti na gagawin ko sa kanila, at mangatatakot at magsisipanginig dahil sa lahat na buti at dahil sa lahat na kapayapaan na aking pinagsikapan sa kaniya.
10 Ganito ang sabi ng Panginoon, Maririnig pa uli sa dakong ito, na inyong sinasabi, Sira, na walang tao at walang hayop, sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, na sira, na walang tao at walang mananahan, at walang hayop.
11 Ang tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae, ang tinig nilang nangagsasabi, Kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo, sapagka't ang Panginoon ay mabuti, sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan pa man; at ng nangagdadala ng hain ng pagpapasalamat sa bahay ng Panginoon. Sapagka't aking ibabalik ang nangabihag sa lupain gaya ng una, sabi ng Panginoon.
12 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Magkakaroon pa uli sa dakong ito, na sira, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng bayan nito, ng tahanan ng mga pastor na nagpapahiga ng kanilang kawan.
13 Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng mababang lupain, at sa mga bayan ng Timugan, at sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, magdaraan uli ang mga kawan sa mga kamay ng bibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.
14 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking isasagawa ang mabuting salita na aking sinalita tungkol sa sangbahayan ni Israel, at tungkol sa sangbahayan ni Juda.
15 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, aking pasusuplingin kay David ang isang Sanga ng katuwiran; at siya'y magsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa lupain.
16 Sa mga araw na yaon ay maliligtas ang Juda, at ang Jerusalem ay tatahang tiwasay; at ito ang pangalan na itatawag sa kaniya: Ang Panginoon ay ating katuwiran.
17Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Si David ay hindi kukulangin kailan man ng lalake na mauupo sa luklukan ng bahay ng Israel;
18Ni hindi kukulangin ang mga saserdote na mga Levita ng lalake sa harap ko na maghahandog ng mga handog na susunugin, at upang magsunog ng mga alay, at upang maghaing palagi.
19At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na nagsasabi,
20Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung inyong masisira ang aking tipan sa araw, at ang aking tipan sa gabi, na anopa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang kapanahunan;
21Ang akin ngang tipan ay masisira kay David na aking lingkod, na siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kaniyang luklukan; at sa mga Levita na mga saserdote na aking mga tagapangasiwa.
22Kung paanong ang lahat na natatanaw sa langit ay hindi mabibilang, o matatakal man ang buhangin sa dagat; gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na nagsisipangasiwa sa akin.
23At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na nagsasabi,
24Hindi mo baga napupuna ang sinasalita ng bayang ito, na nagsasabi, Ang dalawang angkan na pinili ng Panginoon, ay kaniyang mga itinakuwil? ganito nila hinahamak ang aking bayan, upang huwag ng maging bansa sa harap nila.
25Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ang aking tipan sa araw at sa gabi ay hindi manayo, kung hindi ko itinatag ang mga ayos ng langit at ng lupa;
26Akin ngang itatakuwil din ang binhi ni Jacob, at ni David na aking lingkod, na anopa't hindi ako kukuha ng kanilang binhi na maging mga puno sa binhi ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob: sapagka't aking ibabalik sila na mula sa kanilang pagkabihag, at maaawa ako sa kanila.